Mga Laro ngayong Sept. 9
(Mall of Asia Arena)
12 n.n. FEU vs DLSU
4 p.m. Ateneo vs Adamson
IPINAMALAS ng University of the Philippines Fighting Maroons ang matinding pagbabago sa laro matapos nitong agad palasapin ng kabiguan ang University of the East Red Warriors, 87-68, upang buksan sa panalo ang kampanya nito sa pagbubukas ng UAAP Season 81 men’s basketball tournament Sabado sa Mall of Asia Arena.
Ibinagsak ng Fighting Maroons sa pagsisimula ng ikatlong yugto ang walong sunod na puntos sa kabuuan nito na 25 puntos habang nilimitahan ang Red Warriors sa 12 puntos lamang upang sandigan nito sa pagsungkit sa unang panalo.
“We had anxious moments in the second quarter. That is why we had a long talk inside the dug-out, telling them that we practiced how to break the same zone all year long and still we can’t execute properly on court,” sabi ni Fighting Maroons Bo Perasol.
Nagawa pang itaas ng UP sa pinakamataas na 31 puntos ang kalamangan matapos nitong ibuhos ang 29 buslo sa ikaapat na yugto habang muling nilimatahan sa 13 puntos lamang ang UE upang muli nitong simulan sa ikalawang sunod na taon ang kampanya sa panalo.
Nanguna si Juan Gomez de Liano sa ikatlong yugto sa ibinuhos nitong walong puntos sa kanyang team high na 16 puntos habang si Jun Manzo naman ang tumirada sa ikaapat ng yugto sa paghulog ng 10 sa kanyang 13 puntos upang bitibitin ang UP sa panalo.
Nagdagdag si Bright Akhuetie ng 15 puntos habang may 12 puntos si Paul Desiderio at 10 puntos si Javier Gomez de Liano.
Agad na itinala ng Fighting Maroons ang 10-0 bomba mula kina Akhuetie, Juan Gomez de Liano at David Murelli sa pagsisimula ng pinakaunang laro ngayong taon bago nagising sa kalahatian ng unang yugto ang Red Warriors sa pagbasak ni Alvin Pasaol sa katahimikan sa laro para tapusin ang quarter sa 18-13.
Nagawa pa mismo ng UP na itala ang 11 puntos na abante sa 30-19 sa ikalawang yugto bago na lamang naghulog ng 12 diretsong puntos na bomba ang UE upang magawa nitogn agawin ang abante sa unang pagkakataon sa 31-30. Natapos ang unang hati ng labanan sa pantay na 33-all.
Naging espesyal naman para sa mga atleta ang isinagawang oath of sportsmanship matapos na isagawa ito mismo ni 2-time NBA Most Valuable Player at Golden State Warriors guard Stephen Curry na sorpresang dumalo sa isinagawa na opening ceremony kahapon.