Rayver: Sa tagal ko sa industriya, gusto ko ring isipin ‘yung future ng career ko!


ONE year pinag-isipan Rayver Cruz ang pag-ober da bakod sa GMA 7 at hindi raw naging madali para sa kanya ang kanyang desisyon na lisanin na ang ABS-CBN.

Humarap ang binata sa ilang members ng entertainment press kamakalawa matapos pumirma ng kontrata sa GMA Artist Center, dito nga niya inamin na pinag-isipan niyang mabuti ang kanyang desisyon.

“Yung option naman to move, lagi namang nandu’n. Last year, napag-usapan namin. Basta kasama lang siya dun sa options, pinag-usapan lang namin ng manager ko. Nagkataon lang na gumagawa pa ako ng show.

“It’s a long process hindi naman basta-basta ‘yung desisyon, eh. Siyempre, I consulted with my family and friends, of course, with my manager, and mutual naman yung desisyon namin so nandito na ako.”

“Ano naman tayo, try natin i-explore and i-open ang options natin sa ibang opportunities. As an actor kasi, sa tinagal ko na sa industriya, siyempre, at this point of my career, gusto ko rin isipin yung future ng career.

“And I think ang daming opportunities ang maibibigay sa akin ang GMA Network regarding sa mga projects and kung anuman ang challenging roles na pwede nilang maibigay,” pahayag ni Rayver na mas lalo pang sumeksi at gumuwapo ngayon.

Actually, nagbabalik lang sa GMA si Rayver dahil una siyang napanood sa ilang Kapuso show noong dekada 90 tulad ng Best Friends, 5 And Up at Kiss Muna kung saan nakasama niya si Joey de Leon.
Lumipat siya sa ABS-CBN noong 2004 at halos 18 years siyang naging Kapamilya. Nag-expire ang kontrata niya sa Star Magic noon pang March, 2018.

“Nagawa ko naman lahat ng nagawa ko sa ABS-CBN, and I’m really thankful and really grateful sa lahat ng naibigay nila sa akin. I mean, I am what I am today because of them, and very thankful. They will always be my family.
“Pero ‘yun nga, napagdesisyunan namin na it’s time to move naman, to move on, and to move here. And right now, I’m very excited to start a show and work with people, new people, new environment,” aniya pa.

q q q

Natanong ang binata kung ano ang reaksyon ng mga bossing at mga kaibigan niya sa ABS-CBN sa paglipat niya sa GMA, “Naiintindihan naman nila, tsaka maayos naman po yung paalam ko. Siyempre, kakausapin ko talaga sila nang maayos dahil for the longest time, sila naman talaga ang nag-alaga sa akin.

“And yun nga, kagaya ng sabi ko, kung anuman meron ako ngayon, dahil sa kanila. Yung training na natanggap ko, dahil sa kanila and sobrang thankful ako, sobrang blessed din ako. Pero ngayon, it’s time to start new and fresh start, new people, new family, so I’m really excited,” pahayag pa ng binata.
Anytime soon ay magsisimula nang mag-taping si Rayver sa unang teleserye niya sa GMA kung saan makakasama niya sina Kris Bernal at Thea Tolentino.

“Excited na ako na makatrabaho silang dalawa and then mag-start dun sa show. I think wala pang final details about the title, pero yun, mag-i-start ako du’n. Maganda yung istorya, love story siya na kakaiba, very exciting. I will play Gavin at first time kong gagawin ang role na pag-aagawan ng dalawang babae so, napakagwapo ng character ko rito,” kuwento pa ng rumored boyfriend ni Janine Gutierrez.

Siyempre, isa sa mga wish ni Rayver sa paglipat niya sa GMA ay ang makasama sa isang project si Janine pero sa ngayon paghahandaan niya muna ang serye niya with Kris and Thea.

Bukod sa kanyang manager na si Albert Chua, present din sa concontract signing ni Rayver sina GMA Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable, Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara at Senior Talent Manager Vic del Rosario.

Sabi naman ni Ms. Lilybeth, “We are very happy to welcome Rayver back to GMA, where he started. He will be starting to work on a soap and of course, we will continue to give him projects that will showcase his many talents.”

Read more...