MARAMI tayong mga kababayan na naglingkod at patuloy pang naglilingkod sa kanilang mga employer sa ibayong dagat.
Para sa mga kababayan natin, hindi lamang iyon basta trabaho kapalit ng dolyar na ibinabayad sa kanila, na siya namang ipinadadala sa kanilang mga pamilya.
Kahit ano pang trabaho iyon, nababanaag palagi ang pagmamalasakit ng isang Pinoy.
Kaya naman kinagigiliwan sila ng kanilang mga employer. Kahit tapos na ang kontrata ng isang OFW, patuloy siyang mae-extend hanggang sa hindi na nito namamalayan na naka-sampu o dalawampung mga taon na pala siyang nagtatrabaho doon.
Likas kasi sa Pinoy ang pagiging mapagmahal, lalaki o babae man. Ang ating mga caregiver, itinuturing nila bilang mga kapamilya, magulang o nakatatandang kapatid ang kanilang employer.
Ang mga batang alaga ng ating mga domestic helper at ng kanilang mga yaya, parang sarili nilang mga anak o nakababatang kapatid pa nga ang pagturing din nila sa mga ito.
At talaga namang wala na ring uwian sa Pilipinas ang Ilan sa kanila. Hindi rin nagbabakasyon. Kasa-Kasama na ang mga ito ng kanilang mga employer sa kanilang paglalakbay at minsan pa nga, pati mga negosyo nila, ipinagkakatiwala na rin sa ating mga OFW.
Minsan sa panayam ng Bantay OCW sa isang foreign employer, sinabi niyang buhos na buhos ang tiwala niya sa OFW. Katuwiran niya, kung kaya nilang ipagkatiwala ang mga buhay nila sa ating kababayan, na Kasama nila sa loob ng kanilang tahanan, siyang naghahanda ng kanilang pagkain, at kung hindi siya lubos na mapagkakatiwalaan, simpleng simpleng lasunin na lamang ‘anya sila ng kanilang kasambahay.
Kaya naman sinusuklian din ng mga employer ang pagmamahal at malasakit sa kanila ng ating mga OFW.
Hanggang sa huling sandali ng kanilang mga buhay, mga OFW pa rin ang Kasama nila sa hospital hanggang sa pumanaw ang kanilang mga inaalagaan.
Napakarami nang balita ang narinig nating isinama sa last will and testament ang Ilan nating mga OFW na nagmalasakit sa kanilang mga employer hanggang sa huling sandali.
Kapag nagkukuwentuhan ang mga employer, Kasama raw palagi sa kanilang usapan ang matitino nilang mga kasambahay na OFW at tunay namang maaasahan.
Pero siyempre may Ilan din tayong mga OFW na sumisira sa magandang imaheng ito ng kanilang kapwa OFW.
Maging inspirasyon sana nila at tularan ang mapagkakatiwalaang mga OFW natin. Malay ninyo, makasama din kayo sa Last Will ng inyong mga amo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.