Babala ng PSC sa mga NSA: No liquidation, no more funding

PANAHON na para turuan na maging responsable ang mga national sports association (NSA) sa mga natanggap nitong pondo mula sa ahensiya ng sports sa bansa na Philippine Sports Commission (PSC).

Ayon kay PSC chairman Butch Ramirez, napagkasunduan ng buong Executive Board na bigyan ang mga NSA ng hanggang sa Setyembre 30 para isumite ang liquidation report ng lahat ng pondong nakuha mula sa PSC.

“We would like to clarify that as private entities, being supported by the government of funding is not a right, but a complete privilege,” paliwanag ni Ramirez.

Dagdag pa ni Ramirez, ang mga NSA ay kinukunsiderang mga pribadong kompanya ngunit may prebilihiyo silang makahingi ng pera mula sa kaban ng bayan.

Kaya, aniya, nararapat lamang na ipaliwanag at ipakita ng mga NSA kung saan napunta ang pondo ng gobyerno.
“There shall be a ‘no compromise policy,’” dagdag pa ni Ramirez.

Kapag nabigo ang mga NSA na makapag-liquidate sa nakatakdang petsa ay hindi na ito makakahirit ng pondo mula sa PSC. Ayon kay Ramirez, ang pondong nakalaan sana para sa mga NSA ay ibibigay na lamang sa grassroots development program ng PSC.

“As an extension of the President, we are advised to support our elite athletes. In return, the agency must know how and where the support goes, because at the end of the day, it is us PSC officials that are responsible for the release of the funds,” sabi ni Ramirez.

Dagdag pa niya, handa ang gobyerno na suportahan ang lahat ng NSA pero, panawagan lang niya, na dapat gawin din ng mga NSA ang responsibilidad nito sa publiko.

Bagaman marami nang NSA ang nakapag-liquidate na ilalim ng Duterte administration ay mayroon pang mahigit P100 milyong financial assistance mula PSC ang walang liquidation report mula sa nakinabang na NSA.

Isa ang asosasyon ng weightlifting na may ‘unliquidated accounts’ sa mga inaasahang maaapektuhan na NSA sa ipapatupad mismo ngayong buwan ng ahensiya na “No Compromise Policy” sa lahat ng mga unliquidated accounts.

Maaapektuhan ang lahat halos ng mga NSAs partikular ang asosasyon ni weightlifter Hidilyn Diaz na nagbigay ng unang gintong medalya ng bansa sa 18th Asian Games na patuloy na nakabaon sa P21-milyong pagkakautang.

Kasalukuyan din na nagkakaroon ng kaguluhan sa liderato ng asosasyon dahil sa kinikilala ng Philippine Olympic Committee (POC) ang nasa listahan nito bilang miyembro na Philippine Weightlifting Association (PWA) sa ilalim ni Roger Dullano habang kinikilala naman ng internasyonal na pederasyon ang Samahang Weightlifting sa Pilipinas (SWP) na nasa ilalim ng liderato ni Monico Puentevella.

“They have to liquidate, otherwise, financial support from PSC will be suspended,” sabi pa ni Ramirez.

Read more...