MAY kasabihan tayong mga Pilipino na ang kabataan ang pag-asa at kinabukasan ng ating bayan.
Naisabuhay ito ng tatlong batang Pinoy na kumatawan sa bansa sa Allianz Junior Football Camp (AJFC) 2018 na ginanap kamakailan sa Munich, Germany.
Ang tinutukoy ko ay sina Juan Miguel Basmayor ng Parañaque, Catherine Angelica Bradborn ng Pampanga at Ivy Tapiz ng Dipolog City. Sina Miguel at Catherine ay parehong 16 anyos at si Ivy naman ay 15 taong gulang pa lamang pero lahat sila ay umani ng papuri, maging mula sa mga banyaga, sa ipinakita nilang dedikasyon, disiplina at husay sa limang araw na Allianz Junior Football Camp na nilahukan ng 58 manlalaro mula sa 24 bansa.
Sa mini-tournament na ginanap sa naturang football camp ay nagwagi ng silver medal ang koponan ni Miguel na dating miyembro ng Philippine under-14 at under-16 teams habang nag-bronze naman ang team ng 5-foot-9 goalkeeper na si Catherine na miyembro rin ng Luenthai Football Club dito sa Pinas.
Bagaman hindi nanalo ang team ni Ivy ay humataw naman siya sa Robotics competition ng AJFC.
Napili ang robot na idinisenyo ni Ivy para i-launch sa stratosphere ng German astronaut na si Gerhard Thiele. Dapat sana ay nai-launch na ito during the AJFC pero hindi nakisama ang panahon kaya nagtakda ng ibang araw para sa launching nito.
Bilib din ang mga taga-ibang bansa sa pagiging masayahin, palabiro at palakaibigan ng tatlong Pinoy, ayon sa coach at chaperone nila na si Bernadette Pantoja, ang vice president for Bancassurance Distribution Partner Head-HSBC ng Allianz PNB Life.
Nagpakita aniya ang tatlo ng leadership qualities sa loob at labas ng football pitch. Naisapuso rin daw ng tatlo ang tema ng 10th AJFC na “Building confidence, trust and making a change.”
Para raw maisulong ang pagbabago ay dapat munang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at kasama at makuha ang tiwala ng lahat.
Pero paano nga ba napili ang tatlo para ipadala sa Munich.
Nagsagawa muna ng mga regional football camp ang Allianz PNB na katuwang ang Philippine Football Federation (PFF).
Mula rito ay pumili sila ng walong kabataan para ilahok sa Asian camp sa Bangkok, Thailand.
Base sa performance ng walong Pilipino sa Bangkok ay pumili ng tatlo para kumatawan sa Pilipinas sa AJFC.
Noong isang taon kasi limang Pinoy lang ang ipinadala sa Asian camp na ginanap sa Bali, Indonesia at dalawa lamang ang nakapunta ng Munich. Ito ay sina Jan Meir Mitra at Konrad Keim Sollorin.
Sa taong ito ay isinali na ng Allianz sa mga football camps nito ang mga kababaihan kaya umangat sa walo ang Asian delegates ng Pinas at naging tatlo ang nakapunta sa Munich.
Ang expected ko nga ay dalawang lalaki at isang babae ang makakapunta sa AJFC pero ayon kay Gae Martinez, Chief Marketing Officer ng Allianz, mas kuminang daw sa training camp ang mga babae kaya napili sina Ivy at Catherine kasama si Miguel para ipadala sa AJFC.
Totoo nga yatang year of the women ang 2018 para sa Philippine sports.
Biruin mo nga namang ang apat na gintong medalya na napagwagian ng Pilipinas sa katatapos na 18th Asian Games ay bigay lahat ng mga babae.
Naintindihan ko naman kung bakit parehong isinama sina Ivy at Catherine sa PH delegation sa Munich.
Si Ivy ay lumaki sa Dipolog kung saan kakaunti lamang ang naglalaro ng football at mas lalong kakaunti ang mga babaeng kaedad niya ang naglalaro ng sport na ito. Dahil dito ay napilitan si Ivy na makilaro sa mga lalaki kaya naman noong lumaban na siya sa ibang lugar sa Mindanao at sa Maynila ay nangingibabaw talaga siya.
Para raw kasi siyang lalaki kung maglaro pero nililinaw niya, “Hindi po ako lalaki, babae po ako” sabay tawanan ng mga mamahayag na kumakapanayam sa tatlo.
Sa Munich, aminado si Ivy na nahirapan siyang makipag-communicate sa ibang lahi. Nagkakaintindihan lang daw sila kapag naglalaro na sila ng football.
Si Catherine naman ay madaling nakapagpalagayan ng loob ang mga kalaro sa Munich. Bukod sa may lahi siyang British ay sobrang “friendly at funny” niya.
Aniya, sa sobrang palakaibigan daw nila ni Ivy ay kinaibigan din daw nila pati ang chef ng camp.
Sa height niyang 5-foot-9 ay kaya niyang makipagsabayan sa mga taga-ibang bayan.
Desidido rin siyang patunayan at paghirapan ang pangarap niyang maging tanyag na football player ng bansa.
“I want to be the next football superstar,” walang kaabog-abog na sabi ni Catherine.
Si Miguel naman ay nakipagsabayan din sa laro sa Munich. Aniya, sobrang competitive ng mga taga-ibang bansa dahil nga sa kanila ay number one sport ang football.
“Dito sa atin, it’s still basketball,” sabi ni Miguel. “I hope more Filipinos will support football like Allianz.”
Sa Munich ay nakaharap nila ang mga international football stars na sina Corentin Tolisso, Thomas Müller, Bastian Schweinsteiger at ang long-serving Bayern captain na si Oliver Kahn. Nanood din sila ng live game match sa pagitan ng FC Bayern at Chicago Fire sa Allianz Arena.
Walang kapantay ang karanasan at leksyon na nakuha nina Ivy, Catherine at Miguel sa Bangkok at Munich. At nangako ang tatlo na gagamitin nila ang yamang ito para maging gabay sa kanilang pagyabong at maging inspirasyon sa kanilang henerasyon.