KUNG pinairal ni Maymay Entrata ang kanyang takot at insecurities noon, wala siguro siya ngayon sa mundo ng showbiz at hindi niya tinatamasa ang kanyang kasikatan.
Inamin ni Maymay sa panayam ng ABS-CBN na inatake talaga siya noon ng pag-aalinlangan kung sasali ba o hindi sa Pinoy Big Brother: Lucky Season 7 (2016) kung saan siya pa ang tinanghal na Big Winner.
Alam n’yo bang ilang beses ding nag-try ang dalaga sa mga pa-audition ng Kapamilya Network noong 14 years old pa lang siya. Kung matatandaan hindi siya nakapasa sa Pinoy Big Brother: Teen Clash 2010, sa Pinoy Big Brother: 737 pati na rin sa The Voice of the Philippines at Pilipinas Got Talent.
Paliwanag ni Maymay, “Feeling ko, hindi nila ako tanggap, kasi feeling ko, payat ako, wala akong boobs para matanggap ako dito. Kulang ang ilong ko, lakihan ko pa mata ko. Siguro hindi ako matanggap-tanggap, kasi parang hindi naman ako mukhang artista.”
Pero dahil nga sa estado ng kanilang buhay, lakas-loob siyang sumubok uli sa PBB Lucky Season 7, “Simula noong nakita ko ‘yung Lolo ko na nahihirapan na siya, ‘yung komplikado na ‘yung estado ng katawan niya. Sabi ko, kailangan hindi ako susuko. Kaya nag-audition ako ulit dun sa amin. College ako sa Cagayan, ako lang mag-isa. Parang sunud-sunod ‘yung problema, parang nagkasunod-sunod. Hanggang sa naisip ko na dapat hindi ako susuko. Lalaban pa rin ako.”
“Nasa isip ko dati na mag-audition ako hanggang 20, ‘di ko alam bakit, pero parang may instinct na kaya ko rin,” aniya pa.
At tingnan n’yo naman kung nasaan ngayon si Maymay, patuloy na humahataw ang kanyang career at mas lalo pang dumarami ang mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya, pati na rin sa ka-loveteam niyang si Edward Barber.