Robin: Pare hindi ako nagnakaw sa buong buhay ko! Magkaiba tayo!

SINABIHAN ni Sen. Antonio Trillanes IV si Robin Padilla ng parang bata matapos magkomento ang aktor laban sa senador kaugnay ng pagbawi ni Presidente Rodrigo Duterte sa amnesty nito.

Ito’y may koneksyon nga sa naganap na Oakwood mutiny noong 2003 at Manila Peninsula siege noong 2007.

Nitong Martes ay pumunta sa Senado si Robin para abangan ang pag-aresto kay Sen. Trillanes kasabay nito ang paglabas ng kanyang video kubng saan sinabihan niya ang senador na sumuko na at huwag nang magtago sa saya ng Senado.

Dagdag pa ng aktor, “Kami mga ordinaryong tao, kapag may kaso, wala kaming magawa. Kapag sinabi ng pulis na kailangan namin sumama sa kanila, sumasama kami. Kahit na alam namin na wala kaming kasalanan.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa 45,000 shares ang Facebook live ni Robin at mahigit 1 million views na rin ito.

Ayon kay Robin, wala siyang maalala kay Trillanes noong nag-aaral pa sila maliban sa, “Basta ang alam ko lang, maayos lagi ang buhok mo.”

Sabi pa ni Robin, “Ikaw ang parang bata pare, marami kang reklamo magku-coup d’etat ka tapos wala pang 24 hours, su-surrender ka na. O, di ba parang gawain ng bata ‘yun? Parang umangal ka lang, ginulo mo lang lahat tapos sorry, ‘yun, eh.”

Nabanggit pa ng isa sa bida ng seryeng Sana Dalawa Ang Puso si Gen. Emilio Aguinaldo na tila ginaya ni Sen. Trillanes dahil ganito raw ang ginawa noon ng unang Presidente ng Pilipinas.

“Naglakad sa kalsada si Heneral Aguinaldo, tinawag niya ang mga tao para sumama at may banda, isang malaking festival ‘yun. Nangyari ‘yun sa Cavite, ginawa mo naman sa Makati.

“Sino ngayon sa atin ang parang bata ro’n? Ako nu’ng ginawa ko ‘yung Bonifacio (pelikula), may kamera, pare! May shooting, may istorya, may producer, may direktor!”

“Tapos tumakbo ka pa ng (Manila) Peninsula, nagsama ka pa ng tao, pati mga turista ginulo mo. Tapos susurender ka din pala. ‘Yun pare ang gawain ng bata!” diin ni Robin.

“Kapag napagalitan, tatamihik, tapos magso-sorry. O di ba, nag-sorry na. Pagkatapos mong mag-rebolusyon pare, pagkatapos mong guluhin ang Pilipinas, pagkatapos mong guluhin ang ekonomiya, pagkatapos mong bolahin ang mga sundalo na may pinaglalaban ka, pare at pagkatapos nilang sumama sa ‘yo, e, para kang bata na sumurender tapos magso-sorry.

“Hindi kita pinepersonal pare, kaya ‘wag mo akong personalin. ‘Yung mga banat ko sa ‘yo may kinalaman ‘yan sa pinili mong grupo. Magdalo ka kamo, katipunero ka kamo. Kaya ako nagre-react pare kasi ginagamit mo ‘yung katipunero.

“Kasi kami na wala naman sa gobyerno, magkaiba tayo ‘tol. Kasi ikaw, ginagastos mo, pera ng gobyerno! Kami, pera namin pare ang ginagastos namin para makatulong sa tao bukod pa ‘yung binibigay ko sa ‘yong tax ko, bukod do’n marami pa akong (natutulungan), hindi ko na iisa-isahin. Gusto ko lang malaman mo na magkaiba tayo.

“Ako, sinusunod ko ang turo ng magulang ko na hindi ko kailangang humingi o magnakaw, pare. Kahit ako si Robinhood pare, hindi pa ako nagnakaw sa buong buhay ko. Lahat ng pinamigay ko, e, pinaghirapan ko.

“Ngayon, aminin mo na may kasalanan ka, nag-coup d’etat ka, eh. Alam naming lahat. Walang magsasabi na hindi mo ginawa. Ngayon ang punto ko na sinasabi ng batas ngayon, e, may pagkakasala ka harapin mo, pare!

“‘Yun lang naman ang sinasabi ko, maging magandang halimbawa ka sa taumbayan. Ikaw Senador, Rebolusyonaryo, kamo, e, susunod ka!

“Problema mo harapin mo, huwag mo ng idamay ang buong bansa. Harapin mo ang kasalanan mo.
Hindi yan tinatakbuhan. Hindi ka magtatago sa senado. ‘Yan ang parang bata!

“Ikaw ang problema ng Pilipinas dahil hindi ka ma-control. Panay ang sumpa mo sa konstitusyon na susundin mo at poproteksyunan mo pero anong ginagawa mo, Pare?

“Ang mutiny ay malaking kasagutan mo ‘yan, pare! Naging senador ka pa! Walang nang-aapi sa ‘yo. Dito sa mundo kailangang harapin mo (kasalanan).

“Pantay-pantay tayo. Respetuhin natin ang batas pare tulad ng pag-respeto ng ordinaryong tao,” ang mahabang pahayag ni Robin laban kay Sen. Trillanes.

Read more...