HUMINGI ng dispensa si Robin Padilla sa mga kapamilya ni Sen. Antonio Trillanes na na-offend sa kanyang mga nasabi patungkol sa nakatakdang pag-aresto sa senador.
Pero pinanindigan ng aktor ang kanyang naging pahayag laban sa kontrobersyal na public official. Talagang personal pang nagpunta si Binoe sa Senado nitong Martes para abangan ang pag-aresto kay Trillanes. Ito’y matapos bawian ang kanyang amnestiya kaugnay ng pinamunuan niyang Oakwood mutiny noong 2003 at sa Manila Peninsula siege noong 2007.
Sa pamamagitan ng Facebook live, hinamon ni Binoe si Trillanes na sumuko na kasabay ng kanyang pagtawa, “Labas na diyan. Labas na diyan, pare. Huwag kang magtago sa saya ng Senado. Halika, Trillanes.
“Ang dami sinasabi ni Trillanes, ang daming palusot, nagtago pa sa Senado!” sabay halakhak. Dugtong pa niya, “Kami mga ordinaryong tao, kapag may kaso, wala kaming magawa. Kapag sinabi ng pulis na kailangan namin sumama sa kanila, sumasama kami.
“Kahit na alam namin na wala kaming kasalanan. Kasi yun ang sinasabi ng batas. Ang balita ko, diyan ka matutulog sa senado. Kayo ba ang nagbabayad ng kuryente diyan? Pambihira kayo.
Kami ang nagbabayad diyan. Ano ba naman yung mag-submit kayo diyan sa authority?”
Sinagot naman ito ni Trillanes sa isang panayam, “So, papansinin ko siya? Ayan na, binigyan ko siya ng two seconds na atensiyon. Parang bata. It’s too petty, e. We’re dealing with national problems here, tapos you have immature people like that.”
Hindi rin ito pinalampas ni Robin, resbak ng aktor, “Alam mo, Antonio, sa usapin na ito, ikaw ang parang bata, e. Ikaw ang nakipagtaguan.
“Ako nagpunta ako ng Senado upang makita ko ang pagsilbi ng batas. Kasi sa batas, no one is above the law. Iyan, pare, ang point natin, e. Dapat ang lahat ay sumusunod sa batas.”