“INCREDIBLE Care.” Ganito inilarawan ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kalidad ng serbisyong ibinibigay ng ating mga Pinoy caregivers.
Sinabi niyang naalagaan ng Pilipino ang mismong ama niya at maging tiyuhin niya.
Binalikan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ng papuri hinggil sa makataong pagtrato ng mga Israeli employers sa kanilang mga dayuhang manggagawa.
Halos hindi nga kapani-paniwala na may mga taong hindi lamang itinuturing na trabaho ang pag-aalaga sa mga nakatatanda, kundi lakip nito ang pagmamalasakit at pagmamahal sa kanilang mga inaalagaan.
Ganyan ang pagkakilala ng mga dayuhan sa ating mga kababayan. Bilib na bilib sila hindi lamang sa galing ng mga Pinoy sa pagtatrabaho kundi lalo pa sa pagpapakita nila ng di matatawarang interes sa kanilang mga alaga na para bang tunay nilang kadugo at kapamilya.
Akala mo sarili nilang mga magulang ang kanilang mga inaalagaan na minsan ay higit pa nga sa pagpapakita ng pagmamahal ng mismong mga sariling anak nito.
Kaya naman handa rin ang bansang Israel na tapatan ang kabutihang iyon ng kanilang mga caregiver.
Mataas silang magpasahod at turing kapamilya din. Hindi nila pinagmamalupitan at inaabuso ang kanilang mga caregiver.
Ngayong dinalaw ng Pangulo ng bansa sa kauna-unahang pagkakataon ang Israel, nabuksan ang mas malaking pagkakataon sa ating mga caregiver na makapag trabaho doon.
Sasagutin na halos ng mga employer ang pagkalaki-laking placement fee na binabayaran ng mga caregiver na $12,000.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Abello III, kaunti na lamang ang magiging recruitment fee ng isang aplikante na sa tantiya niya ay aabot na lamang ng mga $2,000.
Handang gumastos ang mga employer makakuha lamang sila ng Pinoy caregiver. Nakakatuwang marinig at malaman ang mataas na pagkilalang ito sa galing ng ating mga OFW. Ganyan kalaki ang tiwala ng mga dayuhan sa ating mga Pinoy workers.
Higit lalo pang pagbutihin sana ng ating mga OFW ang mga trabahong ipinagkatiwala sa kanila at iwasang masira ang mga tiwalang iyan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com