IT all begins here.
Iyan ang tema ngayon ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na bubuksan ang ika-81 season ngayong Sabado, Setyembre 8, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ang tatayong host ng Season 81 ay ang National University habang magsisilbing commissioner ngayong taon si Junel Baculi.
“Sports is indeed a great equalizer… But before you could reach the top of the mountain and breed success they must learn the art somewhere. And with that ‘it all begins here’,” sabi ni UAAP Season 81 president Nilo Ocampo sa ginanap na press conference ng premyadong collegiate league ng bansa sa Coral Way lobby ng Mall of Asia Arena nitong Lunes.
Sinabi rin ni Ocampo na magkakaroon ng sariling set ng mga referee ang UAAP ngayong season at kinumpirma rin ito ni Baculi sa pagsabi na hangad ng liga na mapaganda ang kalidad ng mga laro sa taong ito.
Maliban sa mga miyembro ng UAAP Board dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga head coach at assistant coach ng walong koponan na sasabak sa men’s basketball sa pangunguna ni Tab Baldwin ng nagdedepensang kampeon na Ateneo de Manila University Blue Eagles.
Hindi naman sinagot ni Baldwin ang tanong tungkol sa mga koponang posibleng makapasok sa Final Four ngayong season bagamat pinapaboran pa rin ang Ateneo kasama ang Adamson University Soaring Falcons, De La Salle University Green Archers at Far Eastern University Tamaraws.
Sinabi naman ni NU head coach Jamike Jarin na tuloy ang paglalaro ni Troy Rike sa Bulldogs matapos na napabalitang hindi na ito maglalaro sa koponan ngayong season.
Isasagawa ang opening ceremony ng UAAP Season 81 dakong alas-12 ng tanghali at susundan ito ng opening games sa men’s basketball sa darating na Sabado.
Ang unang laro sa pagitan ng University of the Philippines Fighting Maroons at University of the East Red Warriors ay gaganapin alas-2 ng hapon.
Susundan ito ng salpukan ng NU Bulldogs at University of Santo Tomas Growling Tigers dakong alas-4 ng hapon.