MAS marami nang alam na Tagalog words ngayon ang Japanese beauty queen-actress-model na si Hiro Nishiuchi. Muling bumisita ang dalaga sa bansa bilang bahagi pa rin ng kanyang pagiging Philippine Tourism Fun Ambassador.
Sa ikalawang pagkakataon, muling nakachikahan ng ilang miyembro ng entertainment media si Hiro para ibahagi ang ilang charity works na ginawa niya kamakailan para sa ilang kapuspalad nating mga kababayan.
Kinakarir ngayon ng Japanese actress-model ang pag-aaral ng Tagalog para mas maka-relate pa siya sa mga nakakasalamuha niyang Pinoy as Philippine Tourism Fun Ambassador.
Nakakaintindi ng English si Hiro ngunit hindi pa siya masyadong bihasa rito kaya naman palagi siyang may kasamang interpreter kapag bumibisita sa Pilipinas. Ilan naman sa mga Tagalog words na natutunan niya ay ang “Salamat po”, “Mahal kita”, “Kain na” at “Magandang umaga, tanghali at gabi”.
Excited lagi ang dalaga kapag bumabalik siya sa Pilipinas dahil sa magagandang lugar na nabisita na niya, bukod pa yan sa masasarap na pagkaing Pinoy na talagang nami-miss niya kapag siya’y nasa Japan. Super favorite raw niya ang adobo at ilang kakaning Pinoy.
Ito ang ipino-promote niya sa Japan at iba pang bansang napupuntahan niya bilang Philippine Tourism Fun Ambassador.
Ibinalita rin ni Hiro na nagtungo siya sa ilang lugar sa San Juan para mamigay ng relief goods sa mga residenteng nabiktima ng baha kamakailan dahil sa Habagat. Bumisita rin siya sa ilang tourist spots sa Tagaytay para sa susunod na promotional materials na gagawin niya.
In fairness, pwedeng-pwede ring mag-artista dito si Hiro dahil multi-talented din ang dalaga. Bukod sa pagiging aktres, model and product endorser sa Japan kumakanta rin siya. Nagpasampol pa nga siya sa nga siya sa harap ng mga showbiz reporter na um-attend sa nakaraan niyang presscon.
Ayon pa kay Hiro, kung mabibigyan siya ng chance sa Philippine showbiz, tatanggapin niya pero kailangan daw muna niyang maging bihasa sa pagsasalita ng English at Tagalog.