2 patay, 12 sugatan sa panibagong pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat

DALAWA ang nasawi at di bababa sa 12 pa ang nasugatan nang bombahin ang isang internet cafe sa Isulan, Sultan Kudarat, Linggo ng gabi, ang ikalawang pambobomba sa naturang bayan sa loob lang ng isang linggo.

Nasawi sa pagsabog si John Mark Lupa, 18, at binawian ng buhay ang pinsan niyang si Marialyn, 15, Lunes ng umaga, habang nilulunasan sa ospital, sabi ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.

Sa mga sugatan, walo ang naka-confine pa sa ospital, at apat ang pinayagan nang makauwi matapos malunasan, sabi ni Gonzales nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.

Naganap ang pagsabog dakong alas-7:35, sa loob ng isang internet cafe sa Valdez st., Brgy. Kalawag 2.

Matatandaan na anim na araw lang bago iyon, isa ring IED ang sumabog sa night market na nasa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Kalawag 3, noong Agosto 28.

Tatlo katao ang nasawi at di bababa sa 37 pa ang nasugatan sa naunang insidente, na naganap sa kasagsagan ng Hamungaya festival ng Isulan.

Sinibak ni National Police chief Dir. Gen. Oscar Albaylde sina Senior Supt. Noel Kinazo bilang provincial police director ng Sultan Kudarat at Supt. Celestino Daniel bilang hepe ng Isulan Police, habang iniimbestigahan ang pambobomba noong Linggo at ang naunang insidente, sabi ni PNP spokesman Senior Supt. Benigno Durana.

Ipinakalat na ng PNP lahat ng available nitong tauhan para hanapin ang mga nasa likod ng pinakahuling “act of terrorism,” sabi pa ni Durana.

Ayon naman kay Gonzales, inaalam pa ng mga imbestigador kung sinong may gawa sa pinakahuling pambobomba at tinitingnan ang posibilidad na “konektado” ang magkasunod na pambobomba.

“Isa ‘yun sa inaalam, kung connected. Though sa ngayon may mga duda-duda kami, pero we cannot say yet for sure,” aniya.

Ayon naman kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Army 6th Infantry Division, naniniwala ang militar na ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) din ang nasa likod ng pambobomba noong Linggo, gaya ng sa naunang insidente.

“Most likely BIFF pa rin, wala namang ibang naglalakas-loob na magpapasabog at wala namang ibang may intesterest na magpasabog nang walang kadahilanan,” sabi ni Sobejana sa mga reporter.

Read more...