PINIPILIT kumbinsihin ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang publiko na ligtas kainin ang bigas ng NFA na may bukbok.
Para makakumbinsi, nagsaing pa at ipinakita ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pagkain ng kanin na may bukbok.
Ganun din ang pahayag ng mga opisyal ng NFA kung saan sinabi nila na nakahanda silang kumain ng bigas na may bukbok para ipakitang ligtas ito.
Ang malala pa nito, isasailalim pa sa fumigation ang tinatayang 100,000 sako ng bigas ng NFA.
Hindi na nga isyu rito kung ligtas ba o hindi na kainin ang NFA rice na may bukbok, bagkos ay ang pagbibigay ng dignidad sa mga Pinoy, na hindi porket mura ang bigas na kayang bilhin ng mga mahihirap, ipapakain na lamang kahit hindi maganda ang kalidad nito.
Hindi dapat ipaako ng DA at NFA ang kapalpakan sa pag-aangkat ng bigas sa mga Pinoy.
Kung talagang gusto na magpakabayani ng mga opisyal ng DA at NFA, pakyawin na lamang nila ang bigas at ipakain sa kani-kanilang pamilya.
Dapat ding tingnan ang pananagutan ng mga opisyal at ng mga nasa likod ng pag-aangkat dahil sa hindi magandang kalidad ng inangkat na bigas.
Tiyak din na hindi rin gugustuhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamigay ito sa relief operation nito sa mga nasalanta ng kalamidad dahil walang biktima ng bagyo o iba pang disaster ang gugustuhing kumain pa ng bukbok na bigas.
Nananawagan na rin ang mga mambabatas sa mga opisyal ng DA at NFA na magbitiw na lamang sa kanilang katungkulan kung hindi rin nagagawa ng tama ang trabaho.
Bukod dito, may problema rin sa suplay ng bigas sa Zamboanga, kayat hindi maiiwasang isipin ng publiko kung nagtatrabaho ba ang mga opisyal ng DA at NFA.
Kung hindi kasi kayang solusyunan ng mga opisyal ang problema sa suplay ng bigas, bukod pa sa hindi mapigilang pagtaas sa presyo nito, ibigay na lamang sa iba ang trabaho.
Magtalaga ng tao na kayang gampanan ang trabaho na matiyak na sapat ang suplay ng bigas at masigurong may dignidad pa rin ang mga Pinoy sa pagkain ng NFA rice.