SA nakaraang The Kids’ Choice media launch ay natanong ang dalawang hosts na sina Robi Domingo at Eric Nicolas kung paano nila ikokontrol ang limang batang hurado na sina Onyok Pineda, Xia Vigor, Jaden Villegas, Carlo Mendoza at Chunsa Jung sa mga sasabihin nila tungkol sa contestants.
Sabi ni Eric, “Meron po kasi silang sariling sinasabi na nagugulat na lang kami tulad ng sinabing ayaw nilang maka-offend ng performers, so hindi kami namumroblema ro’n na baka may masabi sila.”
Dagdag ni Robi, “Iba-iba ag personality ng kids natin kung napansin ninyo, kaya ‘yung mix nila nagko-compliment sa isa’t isa. Kami nga nagugulat din sa mga komento nila kasi ang lalalim ng words nila, pati ‘yung pag-analyze nila ng performance, sa props, sa kulay ay nagagawa nila sa edad nilang 7 at 9 kaya bilib na bilib kami sa mga batang ito.”
Hirit ulit ni Eric, “Saka hindi lang ‘yung pag-a-analyze sa performances kundi pati na doon sa pag-uusap-usap nila, pag sila’y nagtatalu-talo na. Akala mo parang mga hindi bata.”
Oo nga, napahanga kami sa mga punto de vista ng mga batang hurado at hindi ito scripted dahil iba-iba ang tanong na nasasagot nilang nang maayos.
Reality show ang The Kids’ Choice na ang limang bagets mismo ang pipili kung sino para sa kanila ang dapat manalo kada episode na Fam-bato na magpapakita ng iba’t ibang talento.
Ngunit bukod sa tagisan ng galing, ay mapapanood din ang kuwento ng bawat pamilyang kalahok na siguradong kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Paano nga ba bibigyan nina Onyok, Xia, Jaden, Carlo, at Chunsa ng mataas na marka ang mga kalahok at ano ang hinahanap nila para masabing The Kids’ Choice?
Para kay Jayden, “Sa akin po, ‘yung performances nila ang kailangan nilang dapat ayusin po pati ‘yung props kasi titingnan namin kung bagay po sa kanila at kung okay naman po, e, di bibigyan namin sila ng mataas na score.”
Sabi naman ni Onyok, “Ang gusto ko po ‘yung parang lahat kami mapapanganga na hindi na makapaniwala.”
Para kay Xia, “Dahil nga po family ‘yung magpe-perform, gusto ko pong makita na nage-enjoy sila at hindi sila kakabahan, gusto ko po ‘yung kakaibang performance na hindi ko pa nakita sa iba.”
“Ang hinahanap din po namin ay ang confidence po, facial expressions at saka dito po sa show natin is about family at ang gusto namin ay kung nag-eenjoy sila sa ginagawa nila, at ‘yung may teamwork at love nila isa’t isa,” sabi naman ni Chunsa.
Ayon naman kay Carlo na tila wala sa sarili, “Kanina tinanong n’yo sina Chunsa at Xia, ngayon ako naman. Kagaya rin po ng kay Onyok, kay Xia at Chunsa. Ganu’n na rin.”
Samantala, halos iisa ang komento ng mga bagets na si Jayden ang pinaka-strict na hurado dahil nang malaman daw nitong puwedeng magkomento ng hindi maganda (mala-Simon Cowell) ay talagang sinasabi niya.
Nagsimula na ang pilot episode ng The Kids’ Choice kagabi at ngayong gabi naman ang ikalawang episode.