PATAPOS na ang 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang sa Indonesia kung saan sumabak ang ating mga atleta. At kung matagumpay ba o hindi ang ating paglahok dito ay depende sa pananaw ng tumitingin.
Sa nakaraang Asian Games sa Incheon, South Korea noong 2014 ay isang ginto lamang ang naiuwi ng ating delegasyon.
Ngayon ay may apat na tayo na galing kina Hidilyn Diaz sa women’s weightlifting; Yuka Saso sa women’s individual golf; women’s golf team nina Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go; at Margielyn Didal sa women’s street skateboarding.
Ayon sa Philippine Sports Commission (PSC), tagumpay na raw ito dahil ang habol lang naman daw natin ay mapantayan lang ang medal output noong 2014.
May tsansa pa ngang madagdagan ito sa boxing dahil pumasok sa semifinals sina Rogen Ladon, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial.
Kinapos naman ang ageless friend ko sa equestrian na si Toni Leviste at kaibigan niyang si Joker Arroyo.
Meron namang nagsasabi na palpak tayo sa Asiad lalo na ang diehard basketball fans dahil nga hindi pumasok sa semis man lang ang Pilipinas matapos ang back to back losses sa China at South Korea. Tinalo natin ang Kazakhstan sa unang game natin pero hindi naman ‘yun ang test, tapos tinambakan natin ang Japan na walo lang ang players matapos pauwiin ng delegation head ‘yung apat na members ng team dahil sa pambababae sa Indonesia. Pinakamatatas na ang fifth place kontra Syria at para sa akin kayang talunin ng Pilipinas iyon.
Naglaro pa nga si NBA player Jordan Clarkson at pinakita nung mama kung bakit siya legitimate NBA player. Pero bali-baligtarin natin ang pangyayari, ang isang team na bubuuin mo ng dalawang linggo lang ang ensayo, kahit pa malakas individually, tapos haharap sila sa mga malalakas din na team na matagal ang preparasyon, dapat ba naman na mag-expect tayo ng mataas?
Di nga ba ayaw na talaga sumali ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Asian Games at sa FIBA World Cup qualifiers na lang daw mag-focus. Suspendido raw kasi ‘yung Gilas Pilipinas team, pero narindi yata sa lakas ng negative reaction sa basketball fans na ayaw pumayag na hindi tayo kasali sa men’s basketball. At sa huli sumuko ang liderato ng SBP at nakiisa na lang sa PBA na willing mag-field ng second team.
Sana nga lang ganoon din ang nangyari sa women’s team natin na sa tingin ko ay deserving magpunta dahil sa narating nila sa Southeast Asian Games.
At para sa mga nagsasabing palpak ang performance, kung titingnan ang dami ng pinadalang atleta meron din naman nga sigurong punto sa kanilang parte. Kasi may mga events tayo na inasahan pero walang nangyari pero siyempre bago ang Asian Games lahat ng pinadalang teams sinasabi na may chance sila sa medalya, lahat naman ay may chance, pero gaano kalaki ang chance?
‘Yung Blu Girls natin ang isang team na hanga ako dahil na earn naman talaga nila ang place nila sa Asiad at lumaban naman talaga sila pero pagdating sa mga higher ranked team na pareho ng Japan at Chinese-Taipei, lumabas ang kakulangan natin.
At dito papasok ‘yung aking simple wish na sana ay matapos nitong Asian Games, magsimula naman ang tunay na pagbabago sa Philippine sports. May bagong liderato, nawala na si Peping Cojuangco, pero ‘yung ilang taon na walang nangyari sa sports dito sa atin tanggap ko naman hindi kayang maiayos ng grupo ni Ricky Vargas sa POC sa loob ng madaling panahon.
Pero ito na nga ang tamang panahon at isa na nga sa dapat ay ayusin once and for all ‘yung mga NSAs na may mga faction katulad ng tennis, bowling, swimming, dragon boat, weightlifting at iba pa. Hanggat divided ang mga stakeholders, mahihirapan umasenso ang isang sport.
At siguro naman, lahat ng nagkamedalya dito sa Indonesia, isama na agad sa national team para sa 2019 SEA Games dito.
Simulan na ang training nila, hindi ‘yung ilang buwan bago mag-start ang SEAG, tsaka lang bubuuin ang mga teams. Wala naming sikreto para sa tagumpay sa sports, planuhin, bigyan ng mahabang paghahanda, suportahan ang kailangan ng mga atleta at coaches. Lalo na sa international stints abroad at ang pinakamahirap lang ‘yun sanang talagang sports ang nasa puso na mga opisyal para sa iba’t ibang NSA natin.
Sana nga, magdarasal ako, kayo din.