Ken Chan inialay sa amang may 2B cancer ang ‘My Special Tatay’

KEN CHAN

NIALAY ng Kapuso young actor na si Ken Chan sa kanyang amang may stage 2B cancer ang bago niyang teleserye sa GMA na My Special Tatay.

Sa ginanap na grand mediacon para sa latest afternoon series ng Kapuso Network, ibinahagi ng binata ang kundisyon ngayon ng kanyang tatay.

“‘Yung dad ko kasi, meron siyang stage 2B cancer and saktong-sakto nu’ng sinabi sa akin ng GMA na itong gagawin kong proyekto ay My Special Tatay, saktong-sakto na nagkaroon din ng sakit ‘yung tatay ko,” pahayag ni Ken na gaganap nga bilang isang binatang may mild intellectual disability.

Aminado ang binata na medyo matindi ang pinagdaraanan nila ngayon ng kanyang pamilya dahil sa sakit ng kanyang ama, “Mahirap para sa akin dahil siyempre sobrang lungkot ng nangyari sa tatay ko but at the same time, parang binalanse ni Lord. Oo, malungkot pero binigyan ako ng blessing ng ganito kagandang proyekto.”

Sa kabila ng pagsubok na ibinigay sa kanila ng Diyos, nananatiling positibo ang pananaw ni Ken sa buhay, “Sabi ko sa tatay ko habang ginagawa ko ‘tong My Special Tatay, ‘Pa, ‘eto ha, dedicate ko sa ‘yo ‘tong teleserye na ‘to. Saktong-sakto, about sa tatay, tumatama siya.

“Habang nag-i-immersion kami, kasalukuyang inooperahan ang tatay ko sa cancer, ang hirap pero ang sarap sa pakiramdam. ‘Yung thought na para ‘to sa kaniya, ‘yung proyektong ito, para sa kaniya, ‘yun ‘yung nagpapalakas ng loob sa ‘kin kaya inaalay ko ‘tong teleseryeng ito para sa tatay ko talaga,” kuwento pa ng binata.

Bumubuti na raw ang kundisyon ng kanyang ama matapos sumailalim sa operasyon, magsisimula na ang chemotherapy nito sa September.

Samantala, talagang kinarir ni Ken ag kanyang role bilang si Boyet sa GMA Afternoon Prime soap na My Special Tatay, meron siya ritong Mild Intellectual Disability with Mild Autism Spectrum Disorder.

Nag-research at pinag-aralan talaga niya ang buhay at kilos ng isang may mental defect.

“Napakaswerte ko po na nabigyan po ako ng GMA Network ng sunod-sunod na magagandang projects po. Laging challenging roles, laging kakaibang characters, laging out-of-the-box na mga characters ang ibinibigay sa akin kaya po sobrang happy po ako,” chika ni Ken sa nakaraang presscon ng serye.

Ano ang mga ginawa niyang paghahanda para sa role? “Nag-interview ako ng katulad ni Boyet, and nakakatuwa nga dahil friends ko sila sa social media. Hindi natin kailangan na ibahin sila. Ituring natin silang parang normal na tao. Ang dami nilang alam, napakatalino nilang mag-isip. Napaka-creative nila mag-isip.”

Makakatambal ni Ken sa “My Special Tatay” ang napakagandang si Arra San Agustin na finally ay nabigyan na rin ng malaking break ng Kapuso Network. Ka-join din dito sina Jestoni Alarcon, Teresa Loyzaga, Ms. Carmen Soriano, Lilet, Candy Pangilinan, Rita Daniela, Jillian Ward, Bruno Gabriel at JK Giducos.

May guest appearance rin sa serye sina Matt Evans, Empress Schuck, Valeen Montenegro at Ashley Rivera. This is directed by LA Madridejos at magsisimula na sa Sept. 3 sa GMA Afternoon Prime.

Read more...