Kaugnay nito, nagpakalat ng mga sundalo sa naturang bayan para pigilan ang mga posible pang pambobomba.
Naging tatlo ang nasawi nang bawian ng buhay si Welmark John Lapidez sa isang pagamutan sa General Santos City, Miyerkules ng hapon, sabi ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police, nang kapanayamin sa telepono.
Unang nasawi sa pagsabog sina Leni Ombrog, 52, at Devey Shane Alayon, 7.
Ayon kay Gonzales, inaalam pa ng binuong special investigation task group kung sino ang nasa likod ng pambobomba.
Iginiit naman ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Army 6th infantry Division, na naniniwala ang militar na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nambomba.
“Ito ‘yung thrust nila ngayon, to gain or get support from the international terrorist organizations, pagka meron kasing giyera-giyera, itong IED emplacement is a clear manifestation na they are becoming weak, wala na silang firepower na iharap sa government forces, [kaya] IED attack ang ginagawa nila,” aniya.
Ayon kay Sobejana, ikinalat na sa Isulan ang mga miyembro ng isang Division Reconnaissance Company, o aabot sa 100 kawal, para pigilan ang mga posible pang pambobomba.
Sinabi naman ni Gonzales na maaaring i-review o i-revise ng pulisya ang deployment nito di lang sa Isulan, kundi pati sa ibang mataong lugar ng Central Mindanao.