Topacio binalaan si Dupaya, kakasuhan ng perjury kung…

PAGKATAPOS maglantad ng kanyang saloobin ni Kathelyn Dupaya sa aming programa sa radyo (Cristy Ferminute, 92.3 News FM) nu’ng nakaraang Biyernes ay ang abogado naman ng kanyang kalaban na si Joel Cruz ang naging panauhin namin nu’ng Martes nang hapon.

Dumating si Attorney Ferdinand Topacio na kumpleto rin sa mga ebidensiya para ipagtanggol ang kanyang kliyenteng negosyante ng mga pabango. Binasag niya ang rebelasyon ni Kathy Dupaya na hindi nagbabayad nang tamang buwis si Joel Cruz.

Ayon sa magaling na abogado ay pinadalhan din sila ng dokumento ni Kathy, pero ang nakasaad du’n ay puro kung sakali lang, hindi tiyak.

Komento ni Attorney Ferdie, “Kung nakakasiguro siya sa mga sinasabi niya, bakit hindi niya ‘yun sumpaan? Gawin niyang affidavit, para kapag napatunayang hindi totoo ang mga bintang niya kay Joel Cruz, makakasuhan namin siya ng perjury.

“‘Yung dokumentong galing sa SEC, kahit naman sino, e, puwedeng kumuha ng kopya nu’n. Pero ‘yung sa BIR, hindi ‘yun basta-basta makukuha, unless, utos ng korte.

“Nakakaalarma ang sinasabi niya na galing mismo ang mga hawak niyang documents sa BIR, tax lawyer din ako, hindi ganu’n kadaling makakuha ng mga dokumentong sinasabi niya.

“Parang bank ‘yun, hindi basta-basta makakakuha ng records ng isang client, matagal na proseso ang sinasabi niya. Huwag na kasi nating iligaw ang issue.

“May utang siya kay Joel Cruz at sa marami pang ibang artista, nakasuhan na siya at anytime, maglalabasan na ang resolution ng mga kaso, ‘yun na lang ang paghandaan niya,” mensahe ni Attorney Ferdie Topacio kay Kathy Dupaya.

Read more...