CERTIFIED movie star talaga si Sarah Geronimo dahil halos lahat ng pelikulang nagawa niya ang blockbuster at wala pa siyang proyektong nag-flop sa takilya.
Tulad nga nitong “Miss Granny” na kasalukuyang gumagawa ng history sa takilya dahil sa loob lang ng limang araw ay naka-P57 million na agad ito, ibig sabihin nakaka-P10 million sa isang araw ang pelikulang idinirek ni Binibining Joyce Bernal.
At take note, bossing Ervin walang ka-loveteam si Sarah sa “Miss Granny”, ibig sabihin ay kaya niyang magdala ng pelikula kahit mag-isa dahil obviously support lang naman sa movie sina Xian Lim at James Reid.
Nabanggit sa amin na noong sinu-shoot ni Sarah ang “Miss Granny” ay kabado ang isa sa Viva executives dahil nga walang ka-loveteam ang Pop Royalty at tanggapin kaya siya ng tao? Though optimistic naman sila dahil maganda talaga ang materyal na mula sa Korean film na pareho ang titulo.
Pero malaki ang contribution ni Ms. Nova Villa sa pelikula at wala kaming naisip na puwedeng gumanap sa karakter niya ganu’n din kay Sarah. Halos lahat din ng kasama sa cast ay may kanya-kanyang highlight.
Bukod dito ay certified concert artist din si Sarah dahil lahat ng concerts niya rito sa Pilpinas at sa ibang bansa ay pawang kumita kaya nag-iisa lang talaga ang singer-actress sa kanyang trono.
Pasado rin siya bilang TV host na ginagawa niya sa ASAP dahil maraming naaaliw sa kanya kapag umaandar ang pagkataklesa na nakakatuwa naman talaga.
Anyway, dahil kumikita ang pelikula ni Sarah na nagdadagdag pa ng mga sinehan nationwide ay ano ang susunod na pelikula ng singer-actress na hihigit pa sa “Miss Granny”?
q q q
Usaping pelikula pa rin, nakatsikahan naman namin ang taong kunektado sa produksyon na malapit nang ipalabas na movie. Ayon sa kanya ay kasabay nila ang mga naglalakihang pelikula both local and foreign films.
Sabi niya sa amin, “Hindi na kami puwedeng magbago ng playdate, eh. Ito na lang ‘yung available slot kasi kapag umurong kami, wala nang paglalagyan dahil mas malalaking pelikula na ang mga susunod na magbubukas.
“Bahala na, pikit-mata na lang kami, magdarasal na lang kaming lahat na sana may manood at kumita o maka-break even man lang para naman hindi madala ‘yung producer namin,” sabi pa.
Naawa tuloy kami sa taong kausap namin na kunektado sa pelikulang ito na excited pa naman ang mga artista dahil maganda raw ito. Naniniwala naman kami na kapag talagang maganda ang isang pelikula ay kikita, pero kapag chararat, huwag nang umasa pa.