Pag-aangkat ng galunggong dapat nga ba?

IBA’T IBA ang naging reaksyon ng publiko sa pahayag ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ng tinatayang 17,000 metric tons ng galunggong para umano mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo nito dahil sa kakulangan ng suplay.

Big deal ang isyu ng galunggong dahil itinuturing itong “poor man’s fish”.

Nangangahugan kasi ito na kung hindi na kaya ng mga mahihirap na bumili ng galunggong dahil sa sobrang mahal nito, paano pa ang ibang bilihin?

Bukod sa sampal sa mga lokal na mangingisda ang desisyon ng DA na mag-import ng galunggong, may isyu rin sa kaligtasan nito.

Paano rin tatangkilin ang lokal na galunggong kung ang ibebentang kahalintulad na inangkat na isda ay mas mura?

Kamakailan, nagbabala mismo ang Department of Health (DOH) na posibleng may formalin ang nabibiling imported na galunggong.

Para pabulaanan na may formalin ang imported galunggong, mismong ang DA pa ang nagpalabas ng resulta ng pagsusuri na ligtas ang pagkain ng mga
inaangkat na galunggong.

Sino ba ang dapat managot sa pagkakaroon ng shortage at mataas na halaga ng lokal na galunggong?

Tama rin bang tuwing may kakulangan sa suplay ay pag-aangkat ang sagot ng DA?

Hindi ba’t bukod sa isyu ng galunggong, kontrobersiyal din ang inangkat na NFA rice dahil sa nakitaan ng bukbok ang mga ito?

Nagiging isyu tuloy ito ng kakulangan sa suplay ng galunggong at bigas at ang kaligtasan naman ng itinatambak sa atin na imported na isda at NFA rice.

Sabi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao insulto ang pag-aangkat ng galunggong sa mga Pinoy na mangingisda at papatayin din nito ang kabuhayan nila.

Hindi nga biro ang taas ng presyo ng mga isda, partikular ang mga nahuhuli sa dagat kagaya ng galunggong.
Kayat kung may isyu sa presyo at sa kaligtasan ng nabibiling galunggong, mas gugustuhin na lamang ng mga mamimili na umiwas na lamang sa pagkain nito.

Bandang huli, desisyon pa rin ng mga Pinoy kung bibili ng galunggong pero isa pa rin ang katanungan dito, ginagawa ba ng mga opisyal ang kanilang trabaho at laging pag-aangkat na lamang ang kanilang solusyon sa problema.

Hindi ba’t kaya nga sila andiyan para matiyak na maayos ang suplay ng isda. Kung hindi kasi magampanan ang tungkulin nila, ano pa ang silbi na itinalaga sila?

Read more...