AFTER more than two decades, balik-showbiz ang dating child actress at younger sister ni Kaye Abad na si Sarah Abad. Kasama si Sarah sa movie ni Erich Gonzales na “We Will Not Die Tonight” directed by Richard Somes na isa sa entries sa 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino.
Markado si Sarah sa movie niya with Dawn Zulueta and Christopher de Leon titled “Kung Mawawala Ka” noong 1993. In fact, nanalo pa ng award si Sarah sa movie na ‘yan.
Nakasama rin niya sina Lorna Tolentino, Edu Manzano, Gabby Concepcion at Zsa Zsa Padilla sa “Kung Ako’y Iiwan Mo.” Gumanap din siya bilang batang Nora Aunor sa pelikula ni Joel Lamangan na “Bakit May Kahapon Pa?” kasama sina Dawn at Eddie Garcia.
During high school, nag-decide siya na mag-concentrate sa kanyang pag-aaral. Pero nag-try daw siya na bumalik nu’ng fourth year high school siya at napasama sa isang teleserye.
“And then, nu’ng college po meron po akong gustong pasukan na school, Assumption (College), nag-focus na naman ako sa studies, bawal po kasi ang artista doon. So, hindi na naman ako pwedeng lumabas sa TV,” kwento ni Sarah sa amin sa huling presscon ng “We Will Not Die Tonight.”
After college, nagkaroon siya ng anak kaya nag-focus na siya sa pag-aalaga ng kanyang pamilya kasama ang mister niya na lead vocalist ng Kamikazee, si Jay Contreras. Dalawa ang anak nila, isang 12 year old boy at eight year old na girl.
“Proud,” sambit niya about the reaction of her children sa pagbabalik niya sa showbiz.
“Gusto nga nilang manood ng ‘We Will Not Die Tonight’ pero hindi pwede sa bata.”
Last year, ipinakilala si Sarah sa kilalang manager at writer na si Ricky Gallardo na siyang tumatayong manager ng dating child actress ngayon.
Inamin ni Sarah na nanibago siya sa shoot ng “We Will Not Die Tonight,” “Medyo nanibago po lalo na po first time ko nakatrabaho si Direk Richard. Pagdating sa set, ‘O, eto ang gagawin mo. Ganito ang gagawin mo.’ Oh, my God! Parang hindi ko yata kaya. E, ‘yung mga kasama ko sina Erich, Alex (Medina), hala, sanay na sanay na sila. Alam na nila ang gagawin nila. Sabi ko, ‘Oh, my God. Bahala na.’ Pero ayun nagawa ko naman,” kwento ni Sarah.
Habang pinagmamasdan namin siya we can’t help but tell her na kamukha niya si Kathryn Bernardo.
“Ay, opo, may nagsasabi niyan. Meron sa Instagram. E, syempre po, naku, ang ganda po nu’n. Hindi ko alam kung ano ang ire-react ko. Pero ang ganda po ni Kathryn. Parang medyo malayo. Ha-hahaha!”
Hindi pa raw niya nakasama si Kathryn sa anumang proyekto but her sister Kaye Abad ay naging nanay ng kalabtim ni Daniel Padilla sa Super Inggo.
Naging maingay din ang name ni Sarah sa social media dahil sa kontrobersyal na color black motif ng kanilang wedding at ang pagpapa-tattoo niya sa buong katawan.