Ika-6 tanso ng Pinas nakuha sa jiujitsu

 

JAKARTA — Inuwi ni Margartia “Meggie” Ochoa ang ikaanim na tansong medalya ng Pilipinas matapos nitong biguin ang kababayan na si Jenna Kaila Napolis sa naging all-Pinoy na salpukan para sa ikatlong puwesto sa newaza women’s -49kg event sa Ju-jitsu competition ng 18th Asian Games sa Jakarta Convention Center dito.

Dinomina ni Ochoa sa kanilang paghaharap si Napolis upang angkinin ang unang medalya sa kada apat na taong torneo sa una pa lamang nitong pagsali.

Nag-agawan sina Ochoa at Napolis sa siguradong tansong medalya ng Pilipinas nang maikasa ang kanilang pagtatapat matapos ang eliminasyon ng sinalihang newaza women’s -49kg event.

Tinahak ng dalawang Pilipina ang magkahiwalay na daan sa eliminasyon bago nagkaharap sa labanan para sa siguradong ikaanim na tanso ng bansa.

Kinailangan ng 28-anyos na Ateneo de Manila Management graduate na si Ochoa na umahon sa repecharge habang ang 22-anyos mula College of De La Salle-St. Benilde student na si Napolis ay nabigo sa semifinals upang mailatag ang paghaharap sa pinakaunang tansong medalya ng delegasyon ng ju-jitsu sa pagsabak nito sa torneo.

Agad napanalunan ni Ochoa ang kanyang dalawang sunod na laban kontra Yasmeen Joralkhatib ng Jordan via superiority bago pinatalsik si Siramlo Thadeepudsa ng Thailand sa puntos, 2-0.

Nabigo si Ochoa sa quarterfinals kontra Thi Than Minh Vieduong ng Vietnam via superiority subalit bumalikwas sa repechage sa pagpuwersa sa tap out kay Bayarmaa Munkhgerel ng Mongolia.

Nabitiwan naman ni Napolis ang kanyang tsansa para sa ginto matapos na mabigo sa semifinals kontra Jessa Khan ng Cambodia via tap out. Una itong nagwagi kontra Santi Apriyani Savitri ng host Indonesia sa round of 16 at kay Wadima Alyafei ng United Arab Emirates sa quarterfinals.

Huling nagwagi ng ginto si Ochoa sa Asian Championships newaza -49kg event noong 2018 sa Aktau, Kazakhstan at tanso noong 2017 sa Hanoi, Vietnam. Inuwi nito ang gintong medalya sa newaza -45kg sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games na isinagawa sa Ashgabat, Turkmenistan.

Huli namang sumabak si Napolis sa newaza -49kg sa 2018 Asian Championships sa Aktau, Kazakhstan.

Read more...