NAGSAYANG lang ng laway ang gobiyerno sa pakiusap na huwag nang ituloy ang pagbitay sa isang Pinay na drug mule.
Ang drug mule ay isang tao na nagpupuslit ng droga sa isang bansa para sa isang sindikato.
Napahiya lang ang ating gobiyerno sa Chinese government na hindi pinagbigyan ang pakiusap na iligtas ang buhay ng Pinay.
Ang Pinay ay nahulihan ng anim na kilo ng heroin noong 2011 sa airport ng China.
Kahit anong ginawang pakiusap ng ating gobiyerno ay di pinaunlakan ng China.
Kahit na nga ang plano ni Vice President Jojo Binay na pumunta sa China upang makiusap para sa Pinay ay hinindian ng gobiyerno ng China.
Bakit nga ba masyado namang pinag-aksayahan ng panahon ang Pinay drug mule na wala namang kakuwenta-kuwentang tao?
Kung siya’y nakalusot, maraming mga tao sa China ang nalulong sana sa masamang bisyo ng droga.
Hindi lang naman kasi isang beses—kundi maraming beses na bago siya nahuli—na nagpuslit ng droga ang babae sa China.
Dapat lang siyang parusahan ng kamatayan sa kanyang ginawa.
Nakikiusap si Vice President Binay sa media na huwag nang pangalanan ang drug mule.
Kawawa naman daw ang babae at ang kanyang pamilya.
Ha? Bakit maawa tayo sa isang taong nagbigay ng kahihiyan sa ating bansa?
Bakit natin pauunlakan ang isang kriminal?
Anong pinagkaiba kung siya’y nahuli sa China o nahuli dito?
Kung siya’y nahuli dito ay nasa mga pahayagan ang kanyang pangalan at iinterbyuhin ang kanyang pamilya.
Bakit naman kailangang itago ang kanyang pangalan?
Bakit pangalagaan ang kanyang pagkatao samantalang siya’y gumawa ng isang malaking kasalanan?
Malaki na nga ang mga problema hinaharap ni Davao Oriental Gov. Cora Malanyaon dahil sa ginawa ng bagyong si “Pablo” noong isang taon, pero mas malaking problema ang hinaharap niya ngayon sa Davao City.
Si Malanyaon ay kinasuhan ng estafa ng ilang tao dahil daw ipinagbili o isinangla niya ang mga lupa na kanyang ipinagbili na.
Isa sa mga complainants ay si Ramir Limsiaco, 56, tubong Davao City, na nagtatrabaho sa Japan.
Dumulog si Limsiaco sa aking tanggapan (Isumbong mo kay Tulfo) upang ibuhos ang kanyang hinaing tungkol sa pagkawala ng kanyang lupa.
Sinabi ni Limsiaco na bumili siya ng 127 square meters na lote sa First Oriental Property Ventures na pag-aari ni Malanyaon.
Ipinakita niya ang mga resibo na nagpapatunay na nabayaran na niya ng buo ang lote.
Pero nagtaka na lang siya at ang kanyang asawa nang malaman nila na nakasanla ang kanilang lote sa Land Bank at ito’y naremata na.
Mangiyak-ngiyak si Limsiaco nang sinalaysay niya ang nangyaring panloloko daw sa kanya ni Malanyaon.
Matagal daw siyang nagtrabaho sa isang canning factory sa Japan at ang lote ay katas ng kanyang paghihirap.
Sus, bakit naman ganoon ka, Governor Malanyaon? Bakit pati ang maliliit na tao ay niloloko mo?
Bukod kay Limsiaco, mga 13 pa katao ang nagsampa ng kasong estafa kay Malanyaon sa Davao City Prosecutors Office at sa mga korte.
Ang hindi ko maintindihan ay bakit di niya inayos ang mga taong nagdemanda sa kanya dahil marami na siyang pera.
Kumita daw itong si Malanyaon sa illegal logging na aking nilantad noong isang taon.
Nabunyag ang illegal logging ni Malanyaon, Congressman Nelson Dayanghirang at kapatid ni Malanyaon na mayor ng Cateel matapos ang bagyong Pablo.
Nakita sa helicopter ang mga pinagpuputol na mga punongkahoy nina Malanyaon at Dayanghirang.