Young actress lumabas ang tunay na ugali dahil sa selos, iniwan na ng dyowang aktor

PARA sa mas nakararami ay nakapanghihinayang ang magandang pagsisimula ng isang young actress. Una ay maganda siya, ikalawa ay may talento siya sa pag-arte, ikatlo ay maraming nagkakagusto sa kanyang kasimplehan.

Pero totoong lason sa buhay ng tao ang selos. Pumapatay ang selos. Pinagbabago ng selos ang ugali ng tao. Ganu’n na ganu’n ang obserbasyon ng kanyang mga katrabaho sa isang young actress na nang dahil sa sobrang pagseselos ay unti-unti nang lumulutang ngayon ang
kakaibang ugali.

Kuwento ng aming source, “Ang simple-simple dati ng batang ‘yun. Nakaupo lang siya sa isang tabi, nagme-memorize ng mga lines niya, napakasimple. Ang ganda-ganda pa niya, ‘yung
kasimplehan niya ang mas nagpapaganda sa kanya.

“Pero mula nu’ng ma-in-love siya, e, nagkaroon na ng pagbabago sa kanya. Magaling na siyang sumimangot, lalo na kapag nag-aaway sila ng boyfriend niya, sangbakol ang face niya palagi.

“Grabe, nakapanghihinayang ang young actress na ‘yun, ang ganda-ganda ng pagsisimula niya, pero sa ganu’n lang na dahilan, e, nagbago siya,” simulang chika ng aming impormante.

Ayon pa rin sa sirkulong kinabibilangan ng young actress ay kung anu-ano ang ginagawa niya para saktan ang isang young actress na pinagseselosan niya at pinagbibintangang nang-agaw sa kanyang karelasyong young actor.

“Marami siyang kakaibang pinaggagagawa ngayon, mga bagay na hindi mo iisiping makakaya pala niyang gawin dahil napakasimple nga niya. Pero dahil sa sobrang pagiging selosa, ang dami niyang ginagawang kapalpakan ngayon,” madiin pang kuwento ng aming source.

Mas nasasaktan ngayon ang girl dahil parang wala na siyang puwang sa puso ng kanyang dating boyfriend, may iba na itong pinagkakaabalahan, na lalong ikinagagalit ng selosang young personality.

“Sayang na sayang siya, nabura tuloy ang dating image niyang kasimplehan, nasa loob pala ang kulo niya, sa totoo lang.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, napakadaling hulaan kung sino siya. Pati ang grupo ng mga tagasuporta niya, e, biyak-biyak na ngayon, marami nang umaalis sa kampo niya,” pagtatapos na chika ng aming source.

Read more...