Medialdea kinuhang ninong sa kasal ng anak ni Ampatuan

KINUMPIRMA ni Executive Secretary Salvador Medialdea na kinuha siyang ninong sa kasal ng anak ng pangunahing suspek sa Maguindanao massacre at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan.

“Yes, I was asked by the Samama family to be a godparent of the couple but I had to graciously excuse myself from attending because of prior engagement,” sabi ni Medialdea sa isang text message.

Matatandaang pinayagan ng korte si Ampatuan na makalabas ng kulungan para dumalo sa kasal ng kanyang anak na babae na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City noong Agosto 21, 2018.

Kabilang din sa listahan ng mga ninong si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, bagamat sinabi nito na hindi siya dumalo.

“Nope, I was in Davao events,” sabi ni Dureza.

Sinabi naman ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go na wala siyang natanggap na imbitasyon para sa kasal.

“Wala po,” sabi ni Go.

Binatikos naman ng mga mamamahayag ang pagpayag ng korte na makalabas si Ampatuan sa kanyang kulungan.

Kabilang si Ampatuan sa sinasabing utak ng Maguindanao massacre noong 2009, kung saan 58 katao ang patay, na karamihan ay miyembro ng media.

Read more...