133K sako ng bigas binukbok

KINUMPIRMA ng National Food Authority na may nakitang bukbok sa 133,000 sako ng bigas na hindi kaagad naibaba sa barko.

Wala umanong gagastusin ang gobyerno sa fumigation para mapatay ang mga bukbok dahil sagot ito ng supplier, ayon kay NFA spokesman Rex Estoperez.

Tatagal umano ng pito hanggang 12 araw ang fumigation kaya nangangahulugan na made-delay ang pagdadala sa mga bigas sa warehouse ng NFA.

Kung sa muling pagsusuri ng mga quality inspector ng NFA ay hindi pa rin ito pasado ay pababalikin na ito sa Thailand. Ang barko ay nakadaong sa Subic.

“Sa tagal ng pagbaba, mainit sa loob ng barko, napaka-conducive po iyan sa pag-hatch ng mga peste pero walang dapat na ipangamba dahil may probisyon po palagi sa ating kontrata na kapag makitaan ng kahit isa na infestation ay subject agad ito sa quarantine at after quarantine ay fumigation na ang gastos ay solong aakuin ng supplier,” ani Estoperez.

Siniguro naman ni Estoperez na maaaring pa ring kainin ang bigas na na-fumigate.

Read more...