SA loob ng apat na dekada, naging institusyon na ang noontime variety show na Eat Bulaga sa pagbibigay ng tuwa at ligaya sa bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo.
Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami na ang tagumpay ng programa ay hindi lang dahil sa mga hosts at bonggang segments, kundi pati na rin sa hard working staff sa likod ng mga camera.
Ayon kay Joey de Leon, isa sa mga haligi ng programa, ang pagkakaroon ng dedicated, passionate at hard working staff ang isang sikreto kaya nakakapaghatid sila ng maganda palabas sa telebisyon.
“We feel blessed that we are entering our 40th year dahil wala namang ibang makakapagsabi na naabot nila ang ganitong milestone sa Philippine television history. At sa likod ng success na ito eh ang men and women ng production team and management na nagbigay ng kanilang undivided time and passion sa programa,” dagdag ni Joey.
Dagdag pa ng comedian na in reality, mas madali ang trabaho ng mga host ng show kung ikukumpara sa mabusisi at time consuming na tasks ng production team, “Actually yung staff namin pwede na din sila mag host kasi alam na nila ang mga gagawin namin. Alam nila lahat ng aspeto ng programa dahil ang iba dito eh, dekada na din ang itinagal sa trabaho. Nakaka-proud na makatrabaho ang mga tao sa Eat Bulaga because they are the best in the business.”
Personal din na na-experience ni Joey at ng ibang hosts ang production work sa pamamagitan ng special anniversary web series na pinamagatang “Eat Bulaga Behind the Scenes” (EB BTS).
Ito ay ma-access sa official YouTube channel ng noontime show.
Ayon sa management, inilunsad ang EB BTS para na din matunghayan ng netizens ang day-to-day routine ng production team.
“We are a small group but we’ve always been the leader in this format and on this timeslot. Gusto naming makita ng viewers kung anong nangyayari behind the camera. I think it is high time na ma-acknowledge ang mga tao sa production na nagtatrabaho day and night para makapag produce ng quality programming,” ani Jeny Ferre, SVP for Creatives and Operations ng Eat Bulaga.
Sa mga paunang episode ng EB BTS, nasubukan ni Pauleen Luna na maging production assistant habang naging social media managers naman sina Joey at child star na si Ryzza Mae Dizon.
q q q
Samantala, sina Ruby Rodriguez, Pia Guanio at Luane Dy ay naging parte naman ng Sugod Bahay team bilang mga “Juan For All ” (JFA) registration staff, executive producer and location manager.
Ayon kay Ruby, ang pagkakaroon ng firsthand experience sa remote works ng EB team ay nagbunsod ng bagong appreciation sa mga tao na walang pagod na nagtatrabaho upang makagawa ng isang systematic at organized na JFA segment.
“I appreciate them m ore because I saw how hard it was. Sa experience ko as registration staff, hindi lang naman isang bahay ang binisita ko, kundi lahat ng bahay sa area na yun.
Pagkatapos ng trabaho babalik pa sila sa office at tatawagan ang bawat pamilya na nag-register,” kuwento ni Ruby.
Dagdag pa ng TV host kung susumahin, 24-hour job ang ginagawa ng Bulaga staff, “Yung nakikita natin sa TV ay parte laman ng isang malaking trabaho kasi kahit sila ay tulong tulong sa demands ng programa. Actually kaming mga hosts, mas madali ang task namin dahil execution na lang trabaho iisipin mo. Ang mga mukha sa likod ng camera ang may mas malaking tungkulin na mag provide ng isang maganda at quality na programa.”
Para naman kay Wally Bayola, ang kanyang background sa teatro at ang ilang taong experience sa pag host ng show ay hindi sapat sa hirap na naranasan niya bilang full-day writer ng EB.
“Akala ko easy, easy lang na kunyari nagsusulat lang, pero hindi pala. Talagang mag-iisip ka. Kailangan din mabilis ka mag-isip kasi live yung program. Nagsisimula lang ang trabaho ng writers dito after the show. Mag meeting sila para mag-brainstorm kung ano ang magandang gawin for the next day,” kuwento ng komedyante.
Para kay Ruby, Joey at Wally hindi magiging successful ang Eat Bulaga sa loob ng apat na dekada kung hindi din dahil sa mga taong bumubuo dito, “Sila talaga ang mga unsung heroes ng EB. Mas madali ang trabaho dahil sa kanila,” dagdag ni Joey.
Huwag palampasin ang past episodes at upcoming appearances nina Allan K., Maine Mendoza, Alden Richards, Jose Manalo at ng buong Dabarkads family sa “Eat Bulaga Behind the Scenes” na mapapanood sa official YouTube channel n g programa (https://www.youtube.com/eatbulaga1979).