Hiling ni Marlo: Please pray for my mom, we’re losing her now…

MULING humiling ng karagdagan at taimtim na dasal ang Kapamilya TV host-actor na si Marlo Mortel para sa kanyang inang may cancer.

Sa kanyang Twitter account, nag-post ng mensahe si Marlo para sa kanyang mga followers at nakiusap ngang patuloy na ipagdasal ang kanyang nanay na patuloy na nakikipaglaban sa breast cancer.

“PLEASE PRAY FOR MY MOM. WE’RE LOSING HER NOW. LORD PLEASE DON’T TAKE HER AWAY FROM US. PLEASE LORD WORK YOUR MIRACLE ON MY MOM I KNOW SHE CAN SURVIVE THIS!” ang tweet ng binata.

Ayon kay Marlo, mas lalong lumala ang kondisyon ng kanyang ina. Sa huling pahayag ng aktor, nasa stage 3 na ang breast cancer ni Mrs. Merlie Pamintuan.

Bumuhos naman sa social media ang mga mensahe mula sa netizens na nangakong ipagdarasal nila ang paggaling ng ina ni Marlo. Payo pa sa kanya, huwag susuko at patuloy lang na lumaban.

Taong 2015 nang i-announce ni Marlo sa publiko na may cancer ang ina at kamakailan lang ay nagkaroon pa ng benefit concert ang Kapamilya actor para makalikom ng pondo na gagamitin sa pagpapagamot ng kanyang nanay.

Read more...