KINILALA ang kagitingan at sakripisyo ng daan-daang sundalo sa programang “Saludo sa Sundalong Pilipino” na ginanap kamakailan lang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Northern Command sa Tarlac.
Isang araw na puno ng saya ang hinandog sa mga bayani ng bansa kabilang ang isang palabas tampok ang mga talentadong sundalo at Kapamilya stars na pinangunahan ni Kim Chiu.
Dumalaw rin ang Araw Gabi cast kasama sina JM De Guzman, Barbie Imperial, Jane Oineza, Paulo Angeles, Ysabel Ortega at Joshua Colet para magpasalamat sa mga sundalo at magbigay ng aliw sa pamamagitan ng mga awitin at laro.
“Talagang nakakatuwa at nakakataas ng morale ng mga sundalo ang mga programang ganito, lalo na dito sa Central Luzon,” sabi ni Lt. Col. Isagani Nato sa TV Patrol.
Maliban sa special variety show, nag-iwan din ang mga bumisitang Kapamilya ng limang TVplus kit sa kampo, iba-ibang regalo, at “Just Love Araw-Araw” shirts sa mga sundalo.
Inilunsad ng ABS-CBN ang “Saludo sa Sundalong Pilipino” noong 2017 kung saan nakasama na rin ang mga bida ng FPJ’s Ang Probinsyano, Wildflower, Banana Sundae at Magandang Buhay sa pagbibigay ng saya at serbisyo sa mga sundalo sa Cagayan de Oro, Manila at Nueva Ecija.