Gustong bumalik sa iniwang pamilya

DEAR Ateng Beth,

May gusto lang po akong i-consult sa inyo. Matagal na kasi akong binabagabag ng konsensiya ko. Iniwan ko po ang mag-iina ko may dalawang taon na. Di ko sila inuwian. From Saudi at pag-uwi sa Pilipinas, doon ako sa kinakasama ko tumuloy.

Sabi ko sa kanila, nawalan ako ng trabaho sa Saudi kaya di na ako makakapagpadala ng sustento. Two years na akong walang contact sa kanila. Pero lately naaalala ko sila at naisip ko na balikan sila. Natatakot lang ako sa madadatnan ko.

Paano kung may ibang asawa na ang misis ko at naka-move on na sila. O kaya paano kung di nila ako tanggapin sakaling bumalik na nga ako? Anong gagawin ko?

Norman, Tarlac City

Hello Norman,

Aminin natin na talagang mahirap patawarin ang ginawa mo sa iyong pamilya. So siguro mabuti na ring isipin na naka-move on na rin naman si misis. Alangan naman ikaw lang magpasarap, e ikaw ang nang iwan, di ba?

Pero mas mabuti pa ring magkausap kayo ni misis for the sake of closure kung sakali mang masaya na siya ulit ngayon. Mag-usap kayo at magpaliwanag ka. Yung totoong nangyari at totoong kasakiman mo.
Tanggapin mo ang galit at masasakit na sasabihin niya. At igalang ang magiging pasya niya.

Kung palayuin ka sa mga anak ninyo, kasalanan mo ‘yun e. Gawin mo ang kung ano mang makakagaan sa kanila katulad ng pagsusustento mo ulit sa kanya at sa mga anak ninyo.

Kung hindi ka tanggapin, i-accept mo ang consequence na iyon, pero pwedeng magsumikap to win them back. Sakaling pwede ka pang bumalik, manligaw ka ulit.

Kumbaga, “magbayad utang” ka muna. Hindi pwedeng basta ka na lang ulit susulpot sa buhay nila at gusto mo balik sa dati na parang walang nangyari. Ano ka, hilo?

Pagtyagaan at pagsumikapan mo ulit ang pagbabalik mo sa buhay nila.
At huwag nang ulitin ang kahangalang ito!

May problema ka ba kay misis o mister, sa BF o sa GF? Gustong maligawan, o kaya ay gustong kumalas sa kasintahan? May problema sa mga anak o mga magulang? Pera ba kamo? Aba’y isulat na yan kay Ateng Beth sa inquirerbandera2016@gmail.com o kaya ay i-text sa 09989558253.

Read more...