Paano ka maghi-healthy living kung kahit gulay mahal na rin?

NAMULAT ang marami sa atin na sinasabihan ng mga matatanda na kumain ng gulay para humaba ang buhay.

Noong panahon namin hindi pa naman uso ang fast food, merong mangilan-ngilan pero hindi rin kaya ng bulsa. At ang palaging nasa isip kapag kakain sa labas ay mas mahal kaya magluto na lang sa bahay.

Mahal ang mga restaurant kaya sa bahay din ang bagsak.

Talagang malayo na ‘yung mabibili ng pera mo noon sa mabibili mo ngayon. Tumaas na rin naman ‘yung sweldo, pero naunang tumaas ‘yung bilihin.

Kung dati sasakit ang kamay mo sa kabibitbit ng pinamili mo sa palengke, ngayon ay ilang plastic bag na lang ang dala mo.

Mahal na rin ang gulay kaya kung dati bumibili ng isda para pangsahog sa gulay, ngayon isda na lang ang bibilhin. Ipiprito na lang at hindi na hahaluan ng gulay. Kung may isda na, may gulay pa mas magastos at baka maubos sa isang kainan ang budget sa maghapon.

Kung pwede nga lang daw sana, huwag na lang itaas ang suweldo basta hindi rin tataas ang presyo ng bilihin.

Kahit na ‘yung bigas, naaalala ko magandang klase na ‘yung bigas na mabibili mo sa palengke ng P20.

Ngayon kahit bigas ng National Food Authority ay hindi na kasya ang bente mo.

Sabagay, kung konti ang kanin mas makakaiwas ka sa diabetes, kaya masasabing pro-health ang mataas na presyo ng bigas? Di ba nga, ang kanin ang isa sa nagpapataas ng sugar level sa dugo kaya ‘yung mga diabetic, nagkakasya na sa half rice.

Tsaka mas matipid sa kuryente kung konti lang ang bigas na isasaing (kung rice cooker ang gagamitin sa pagluluto). Mas konti, mas madaling maluto kaya mas matipid.

‘Yung iba naman ang ginagawa isasaing na ‘yung kanin para sa agahan, tanghalian at hapunan para makatipid, isang luto na lang. Kailangan lang sabayan ng dasal para hindi mapanis ‘yung kanin, dahil kapag minalas at madaling mapanis ‘yung bigas na nabili, masasayang ang kanin.

Nakakapagtaka lang ang daming nagsasabi na nakakararanas sila ng gutom sa mga survey, ‘yung tipong walang maipambili ng pagkain kaya kailangang umasa sa tubig gripo na sinala ng tela (minsan ay gamit na medyas pa, pero nilabahan naman) para mapawi ang pagkalam ng sikmura, pero ang daming nasasayang na pagkain.

Sa mga fast food lang, ang daming naiiwang kanin sa mga plastik na plato. ‘Yung ibang ulam ay napapakinabangan pa ng mga pagpag— ‘yung ulam na pinagpag para maalis ang dumi at muling lulutuin para makain at minsan ay napupunta pa sa mga karinderia kaya pala mas mura ang benta ni ate kaysa sa mga katabi niya.

Minsan ay sinabihan ng isang lalaki ang kasama niya na ubusin ang kanyang pagkain. Ang dami-dami raw nagugutom sa labas tapos siya sasayangin lang niya ang pagkain.

Sagot naman ng hindi umubos ng kanyang kanin (dahil may lahi sila ng diabetic), “Bakit mabubusog ba sila kung uubusin ko ‘yan?”

Read more...