INIHAHANDA na ng Manila Police District (MPD) ang kaso laban sa motorista na nasangkot sa insidente ng hit-and-run sa kahabaan ng Roxas Boulevard noong Lunes, na nagresulta sa pagkamatay ng isang freshman college student.
Kinilala ang suspek na si Victor Wai Ki Kung, na naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, matapos na mabangga at mapatay si Jeremiah Erwin Tan, 17, isang freshman student ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Business and Government Management.
Ayon sa MPD, tumatawid ang biktima sa isang bahagi ng Roxas Boulevard sa kahabaan ng Pedro Gil nang mabangga siya ng mabilis na paparating na kotse (TQR-245).
Malakas ang pagbagsak ni Tan sa semento, bagamat hindi bumaba ang suspek sa kanyang sasakyan. Sugatan din ang dalawa pang menor-de-edad na nabangga rin ng suspek.
Nasawi si Tan dahil sa tinamong mga pinsala.
Batay sa rekord ng Land Transportation Office (LTO), pag-aari ang sasakyan ng isang insurance firm na nakabase sa Malanday, Valenzuela.
Sinabi ng kompanya na naka-isyu ang sasakyan kay Kung, na nakatakda sanang umalis papunta ng Hong Kong noong Lunes ng hapon.
Agad na nagtungo ang mga pulis sa NAIAA Terminal 2 para arestuhin ang suspek.
Sa isang post sa Facebook Page, nakiramay naman ang PLM College of Business and Government Management sa naulilia ng 17-anyos na biktima.
“Our thoughts and prayers are with you. You may be gone from our sight, but never from our hearts. Rest in peace, Jeremiah,” sabi ng post.