MARAMING bumilib kay Sarah Geronimo sa galing niyang magpaiyak sa drama scenes niya sa “Miss Granny” na nagkaroon ng premiere night last Monday sa Trinoma Cinema.
Pero hinangaan din si SG sa galing niyang magpatawa dahil mahirap kayang kopyahin ang timing ni Nova Villa sa comedy at pagbibitiw ng linya, huh!
Si Nova ang lumabas na matandang Sarah at in fairness, plakado ng Pop Star Royalty ang mga galaw ng katawan, daliri at estilo ng pananalita ni Nova bilang si Lola Fely na may malungkot na nakaraan.
Panalo rin ang transformation ni Sarah bilang young Fely. Pasabog ang costumes niya at markado ang eksena niyang nagulat at napasigaw ng, “Ay, puke!” Tawanan ang audience sa binitiwang salita ni SG na ngayon lang narinig sa kanya.
Swak na swak din ang paggamit sa movie ng lumang kanta gaya ng “Rain” (na pinasikat ni Boy Mondragon), “A-Kiss, A-Kiss, A-Kiss” ni Efren Montes at “Forbidden Love” ni Norma Ledesma.
Hindi pa ipinapanganak si Sarah nang sumikat ang mga kanta pero binigyan niya ‘yon ng sariling version na siguradong magugustuhan din ng mga millennial.
May bagong kanta ring ipinarinig si SG towards the end of the movie at winner din ‘yon, huh!
Pinoy version ng hit Korean movie ang “Miss Granny pero commercial na commercial ang dating nito.
Nakatulong ang magagaling na performances ng iba pang cast tulad nina Nova, Lotlot de Leon, Nonie Buencamino at Buboy Garovillo pero nakasabay rin ang iba pang young members ng cast gaya nina James Reid, Xian Lim at Kim Molina.
Panalo rin ang direksyon ni Bb. Joyce Bernal matapos gumawa ng tinawag na “basura” movies.
Tapos na ang panahon ng pa-tweetums ni Sarah at sa “Miss Granny,” isinilang na ang pagiging aktres niya dahil naitawid niya ang iba’t ibang uri ng emosyon mula simula hanggang sa ending ng movie.
O, mga award-giving bodies, hindi kaisnab-isnab ang performance ni Sarah sa “Miss Granny”.
Walang puso ang hindi magbibigay ng recognition sa acting na ipinakita niya sa movie!