TAMA ang ginagawang pagtrato ni Kris Aquino sa mga nagkokomento na parang extra lang naman daw siya sa Hollywood movie na “Crazy Rich Asians.” Sa halip na magalit-mainis ay sinasabi niya na lang na huwag nang maging choosy pa ang mga pumapansin sa kanyang maigsing role.
Na tama lang naman, dahil bali-baligtarin man ang mundo ngayon ay si Kris Aquino pa rin ang nakakuha sa role na Princess Intan, sa kanya ibinigay ang role.
At Hollywood movie ang pinag-uusapan ngayon, pangarap ‘yun ng bawat artistang Pinoy, ang kahit man lang kapiranggot na papel ay magkaroon sila sa isang Hollywood na proyekto.
Dahil kay Kris ay pinanood ng mga kababayan natin sa Amerika at Canada ang pelikula.
Bibihira nga naman kasing mangyari na may isang purong Pilipino na kasali sa isang Hollywood movie.
Kaya anuman ang pamimintas na gawin ng kanyang mga bashers ay wala nang epekto ‘yun kay Kris. Ang mahalaga para sa kanya ay nabigyan siya ng pagkakataong makaarte sa isang pelikulang ipinalalabas sa buong mundo.
E, ano nga naman ngayon kung tatlong minuto lang naman pala ang exposure niya sa “Crazy Rich Asians,” meron bang ganu’n ang ibang artista?
E, ano rin ngayon kung nagsasalita siya, pero hindi naman sa kanya naka-focus ang mga camera, boses ba ng ibang artista ang naririnig habang naglilitanya siya?
Kay Kris Aquino pa rin ‘yun. Spell I (read: inggit) lang sa kanya ang mga bashers, kaya siya ginaganyan, di ba naman?