Jo Berry pinagkaguluhan ng mga estudyante sa Bulacan: Ang sarap-sarap po ng feeling!

HINDI lang mga nanay ang humahanga at nagmamahal ngayon sa lead star ng Kapuso seryeng Onanay na si Jo Berry, gustung-gusto rin pala siya ng mga kabataang nakakapanood sa kanilang primetime series.

Patuloy na tinututukan ng manonood ang Onanay dahil sa exciting na kuwento nito at sa galing ng akting ni Jo Berry, lalo na sa mga eksena niya with Nora Aunor and Cherie Gil.

Nagulat nga si Jo sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga estudyante nang mag-taping sila sa Siena College, Bulacan, talagang pinagkaguluhan siya ng mga bagets para magpa-autograph at
makapagpa-selfie sa kaniya.

“Ang saya. Kasi genuine ‘yung mga bata, at sinasabi nila sa akin na nanonood sila ng Onanay. Tapos nag-ask sila ng picture at nagpa-autograph pa sila. At that early age, Grade Three raw sila tapos happy daw sila na nandoon ako, nanonood daw sila. Ang sarap sa feeling,” kuwento ni Jo sa panayam ng GMA 7.

Dagdag pa niya, “Sobrang overwhelmed ako dahil sa pagtanggap nila. Kasi ‘yung inisip ko ‘nun, ‘yung market is halos lahat mommies.

“Kasi ‘yung pinakaistorya ng Onanay, tungkol sa motherhood. Pero nagta-tackle rin ng maraming issues tungkol sa mga anak. Nagulat ako na ‘yung mga bata, nanonood din sila. ‘Yung mga ganun kabata nanonood sila tapos natutuwa sila kay Onay. Ang sarap sa feeling,” pahayag pa ni Jo.

In fairness, two weeks pa lang sa GMA Telebabad ang Onanay ay agad na itong humataw sa ratings game kasabay ng mga papuri ng mga viewers at netizens kaya naman mas lalong ginaganahan ang buong cast and production na magtrabaho.

Sabi nga ni Jo Berry, “Sobrang grateful po ako, ang alam ko sobrang blessed ko kasi ‘yung pinaka-main goal ko po nung binigay sa akin ‘yung project as Onay is to inspire. Tapos ngayon po, ‘yun ‘yung nangyayari, ‘yun ‘yung natatanggap naming feedback. So sobrang saya po namin, nakakataba po ng puso.

Sey nga ni Mikee Quintos na gumaganap na anak ni Jo sa serye, “Nakakakilig nga, inaasar ko nga si Jo, sabi ko Primetime Star na siya. Little Star pala, Little Star kasi ang tawag namin sa kanya.”

Hirit naman ni Kate Valdez, “Nagku-congratulate kami sa cast sa Viber dahil ang galing-galing ni Jo.”

Sey naman ni Rochelle Pangilinan na BFF ni Jo sa serye, “Hindi namin ini-expect na ganun tatanggapin ‘yung Onanay. Though lahat kami every single day pinag-pipray talaga namin na, ang purpose kasi nito is makapagbigay-aral sa lahat.”

Read more...