SA #BaganiHulingLaban nitong Biyernes ay inakala ng manonood na mamamatay si Lakas (Enrique Gil) dahil nagapi nga sila ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) bukod pa sa sinaksak nito ang puso ng binata.
Pero dahil sa panalangin ng Sansinukob at nagkakaisa ang kanilang mga puso na wala sa mundo ni Sarimaw ay nabuhay muli ang mga Bagani.
Nagtagumpay ang mga Bagani kaya naman ang saya-saya ng buong Sansinukob dahil sa kanilang pagkakaisa, pagsisikap, pagtutulungan at pagkakaisa ay nakamtan na nila ang tahimik na pamumuhay.
Nagkabati na sina Lakam (Matteo Guidicelli) at Ama (Robert Sena) kaya mas lalong sumaya ang binata dahil tahimik na ang pamilya nila. Naaliw naman kami kina Lakas at Ganda (Liza Soberano) dahil anim na agad ang kanilang mga anak.
Anyway, nawala sa mundo ng Bagani si Liksi (Zaijian Jaranilla) dahil napunta siya sa kasalukuyang panahon at nakita niya ang mga kamukha nina Lakas at Ganda.
Halos lahat ng nabasa naming komento ng mga nakapanood sa pagtatapos ng Bagani ay positibo.
May nagsabi na siguradong may book two ang serye ng LizQuen. Sa last scene kasi ay nagkita ang mga karakter nina Enrique at Liza na hindi pa magkakilala pero nagkaroon agad ng spark.
Samantala, ipinakita ang hirap na dinanas ng cast and crew ng Bagani sa taping, isa na nga ang eksena kung saan init na init ang mga artista dahil sa tindi ng sikat ng araw lalo’t naka-costume pa sila.
Kaya pala idinaan na lang nila sa pagsasayaw habang hinihintay na gumiling ang kamera, ito ‘yung nag-viral na pinangunahan ni Aiko Melendez as Matadora/Bighani na sumasayaw kasama ang cast at talents sa saliw ng “Taga Saan Ka Budots Dance” challenge.
Pagkatapos ng mainit na panahon, matinding pag-ulan naman ang hinarap ng mga Bagani. Sa nakaraang finale presscon ng serye ay ikinuwento ni Dimples Romana na nagmamadali na ang lahat dahil gusto na nilang matapos. Pero na-delay nang na-delay dahil hindi ma-perfect ni Matteo ang linya dahil nabubulol.
Samantala, walang pahinga si Liza dahil full time na siya sa shooting ng pelikulang “Darna” na idinidirek ni Erik Matti. Si Enrique naman ay magpapahinga muna dahil sobrang na-miss daw niya ang kanyang pamilya.
Binabati namin ang Team Bagani dahil nairaos nila nang maayos at matagumpayang pagtatapos nito.