PH women’s volleyball team masusubok kontra Thailand

Laro Ngayon
(Gelura Bung Karno Stadium)
12:30 p.m. Philippines vs Thailand

JAKARTA – Agad na matitiktik ang mga kalawang sa Philippine women’s volleyball squad sa pagsagupa nito sa Southeast Asian powerhouse at pinakamatinding karibal na Thailand sa pagbabalik sa women’s volleyball competition ng 18th Asian Games Linggo ng hapon sa Gelora Bung Karno Indoor Volleyball Hall dito.

Isang araw lamang matapos dumating mula sa pagdalo sa mahigit isang linggong training camp sa Japan ay agad na sasabak sa ganap na alas-12:30 ng tanghali (1:30 ng hapon, PH time) ang Pilipinas volleyball team na asam ang matinding upset kontra sa karibal na Thailand sa pagsisimula ng kampanya nito sa kada apat na taong torneo.

Hindi lamang asam ng Pilipinas na mainit na buksan ang 36-taong pagkauhaw na makalaro muli sa prestihiyosong torneo kundi maipakita ang pag-angat muli ng bansa sa minsan nitong dinomina na disiplina.

Dating mahigpit na magkaribal ang Pilipinas at Thailand kung saan huling nagsagupa ang dalawang koponan noong 1993 Southeast Asian Games. Huling nagwagi ang mga Pinoy kontra sa Thais sa gold-medal game na ginawa sa Singapore subalit sapul noon ay hindi na nagwagi ang Pilipinas at dinomina na rin ng Thailand ang torneo sa pagsungkit sa kabuuang 11 sunod na korona sa SEA Games.

Nagpipilit naman ang Pilipinas na makahabol muli sa kalidad at huling nagwagi ng tansong medalya noong 2005 SEA Games sa Manila bago na ang sumunod na 10-taong pagkawala sa kada dalawang taong torneo.

“We’re very excited to play them because they are the gold standard in Asian volleyball,” sabi ni national coach Shaq Delos Santos, na isang araw lamang ang pahinga mula sa isinagawa nitong dalawang linggong pagsasanay sa Okayama at Osaka, Japan.

“We improved, yes. But of course, we’re still in the process of developing the chemistry and character of the team. We know it’s not an overnight process, but we need tough competitions like this to develop it,” sabi pa nito.

Sa kanilang huling paghaharap sa AVC Asian Senior Women’s Championship sa Laguna noong nakaraang taon ay binigo ng Thais ang mga Pinay sa straight sets sa quarterfinals tampok ang rising star na si Chatchu-On Moksri at beteranong international campaigners na sina Ajcharaporn Kongyot at Wilavan Apinyapong.

“This kind of exposure is very valuable to our goal of coming up with a podium finish in the SEA Games next year,” sabi ni Delos Santos patungkol sa kanilang muling pagsabak sa Asian Games sapul noong huli itong makapaglaro noong 1982 sa New Delhi, India.

Read more...