PPP review: ‘We Will Not Die Tonight’ ni Erich bawal sa mga may sakit sa puso

ERICH GONZALES

PALABAS na ang “We Will Not Die Tonight” ni Erich Gonzales, isa sa mga kalahok sa 2018 Pista Ng Pelikulang Pilipino (PPP).

Bagamat matitindi ang karahasang ipinakita sa pelikula, nag-iwan din naman ito ng magandang aral sa manonood – ang pagtulong sa kapwa sa gitna ng panganib.

Kuwento ang “We Will Not Die Tonight” ng magkakatropa na nakapasok sa isang sindikato na sangkot sa pagdukot ng mga bata para kunin ang kanilang mga internal organs.

Isang stunt woman ang role ni Erich (Kray) sa movie, kasama ang kanyang mga katropa na sina Ramil (Alex Medina), Che Che (Max Eigenmann), Jonesky (Thou Reyes), at Rene Boy (Nico Dans), na na-involve sa sindikatong pinamumunuan ni Bangkil (Paolo Paraiso).

Nangyari lang sa isang gabi ang kwento ng pelikula, habang tinatangkang tumakas ng grupo ni Erich mula sa sindikato.

Kung mahina-hina ang dibdib mo sa mga madudugong eksena ng tagaan at patayan hindi bagay sa iyo ang pelikula dahil sa tindi ng violence ng mga eksena.

Naging epektibo naman si Erich sa kanyang kakaibang role kung saan ipinakita niya ang kanyang kakayahan bilang action star.

Nagtagumpay ang writer at director ng pelikula na si Richard Somes na ipakita sa manonood ang galing ni Erich sa pag-aaksiyon bukod sa pagiging dramatic actress.

Sa pagsisimula pa lang ng pelikula ay curious na ang mga manonood kung sino-sino ang mamamatay at matitirang buhay sa ending.

Siyempre, hindi na namin sasabihin kung sinu-sino ang mga mamamatay sa kuwento para kayo mismo ang makasaksi.

Kung mahilig kang manood ng mga gory foreign films, hindi ka naman bibiguin ng “We Will Not Die Tonight” dahil mula simula hanggang sa dulo ng pelikula bayolente at madugo ang mga eksena.

Sa iskor na 1 hanggang 10, kung saan 10 ang pinakamataas, bibigyan ko ang PPP entry ni Erich ng 7.

Palabas pa ang pelikula hanggang sa susunod na linggo kasama ang iba pang entries sa 2nd PPP. – Bella Cariaso

Read more...