MARAMI ang nakakapansin sa kasipagan ng isang bagitong kongresista na mula sa isang lungsod dito sa Metro Manila.
Bukod sa pagiging palangiti ay kapansin-pansin ang pagiging tapat nito sa kanyang tungkulin bilang mambabatas.
Hindi siya pala-absent at talagang pinag-aaralan ang mga dokumento sa kanyang mesa hindi tulad ng ibang mambabatas na puro porma lang lalo na kapag oras ng sesyon.
Kung sa mga nakalipas na column natin ay puro tayo puna sa mga kalokohan ng ilang public officials ngayon naman ay hayaan nating ipakilala ko sa inyo ang isang masipag na kinatawan ng isang sikat ma distrito sa Metro Manila.
Sinabi ng ating Cricket, na marami ang nakakapuna na alas-tres pa lamang ng hapon o isang oras bago magsimula ang sesyon ay nasa plenary hall na kadalasan ang ating bida.
Ginagawa raw niya ito para pag-aralan nang husto ang kanyang trabaho sa Kamara. By this time naman siguro alam na niya ang kanyang trabaho, e, nasa ikatlong taon na kaya siya ng kanyang pagiging congressman.
Bagaman bagito sa Kongreso ay hindi naman bago sa pulitika si Mr. Politician dahil nakatatlong termino rin siya sa kanilang lungsod bilang konsehal.
Kilalang palangiti sa kanyang pinagmulang industriya at ito ay dala-dala niyang katangian kaya madali rin siyang nakakuha ng mga kaibigan sa Kamara.
At para mas maintindihan daw nya ang proseso sa paggawa at pagpapatibay ng batas ay hindi siya nahihiyang kumunsulta sa mga kasamahang beterano sa Kamara.
Kung ganito lang daw sana ang lahat ng mga mambabatas ay masasabing sulit ang ibinabayad ng pamahalaan para sa serbisyong ibinibigay nila sa bayan.
Bagaman marami ang kumukwestyon sa kanyang gender preference, sa akin ay hindi na ito isyu basta’t ang mahalaga ay ginagawa niya ng tama ang kanyang trabaho bilang kinatawan sa kongreso.
Ang bida sa ating kwento ngayong umaga na walang kayabang yabang sa katawan at patuloy na inaalam kung paano niya mapaglilingkuran ang kanyang nasasakupan ay si Mr. Y…as in Yun oh!