Wala na talagang ligtas ngayon sa social media. Bago mag-post ay kailangan munang pag-isipan nang maraming beses ang ilalabas nilang pahayag.
Lalo na ang mga sikat na artista, bantay-sarado ng mga bashers ang kanilang mga sinasabi, kumanan sila at kumaliwa ay siguradong may ipupukol pa rin laban sa kanila ang mga taong walang magawa sa buhay.
Malakas ang kaway ng mundo ng pulitika sa mga personalidad. Bakit nga naman, nagbabayad din sila ng tax, kailangang makita nila ang resulta ng kanilang pinagbabayaran kaya ang social media ang kanilang sumbungan.
May isang female personality na inis na inis na nag-post, “Nakakabuwisit! Bukod sa sobrang traffic na, e, napakalaking abala pa ng mga butas-butas na kalye! Nasaan na ang buwis ng taumbayan na ibinabayad para sa paggawa ng mga sirang kalye?”
Ang sagot ng isang basher sa babaeng personalidad, “Lumipad ka! Kung gusto mo naman, sa buwan ka na lang tumira! Puro ka reklamo!”
Ang pinakahuling inupakan sa social media ay ang Megastar na si Sharon Cuneta dahil sa hindi sinasadyang pagkabanggit niya sa pangalan ni Kathryn Bernardo habang sinasabi niyang walang makapapantay sa kanyang puso sina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Natural, umangat ang mga tagasuporta ni Kathryn, ano nga naman ang kinalaman ng dalaga sa pagpuri ni Sharon sa kanilang idolo?
Ang hindi lang kami sigurado ay kung mga totoong tagahanga ni Kathryn Bernardo ang nang-bash kay Sharon o mga nagpapanggap lang.
Maganda kasi ang imahe sa amin ng mga fans ng dalaga, marespeto sila, hindi basta-basta nakikisali sa mga walang kabuluhang isyu.