MASAKIT matalo ngunit hindi naman nababawasan ang pagkatao kung aaminin nang walang alinlangan at may halong pagpapakumbaba ang kabiguan.
Kaiba sa mga nagsasabing sila ay eksperto ngunit sa totoong buhay ay mga simpleng tagamasid lamang, hindi naniniwala ang Peks Man na sa simula ng katatapos na finals series ng PBA Commissioner’s Cup ay angat ang San Miguel Beer sa Barangay Ginebra.
Anything is possible, ika nga. At bakit naman hindi? Bagamat 6 of 6 sa finals ang Beermen sa ilalim ni coach Leo Austria ay iba ang Gin Kings lalo’t ang gumigiya sa kanila ay si Tim Cone.
Nangyari nga ang hindi inaasahan ng mga eksperto kuno.
Tinapos ng Gin Kings ang 21 taon paghihintay na mapanalunan ang PBA Commissioner’s Cup matapos patumbahin ang Beermen, 4-2, sa serye.
Finals MVP si Scottie Thompson, Best Import si Justin Brownlee, bumalik na si Greg Slaughter at kalmado pa rin si LA Tenorio. Lalo pang nadagdagan ang alamat ni Tim Cone.
Siyempre pa, muling nabingi ang sambayanan ng tila walang katapusan at kapagurang sigaw na GI-NE-BRA! GI-NE-BRA! GI-NE-BRA!
Ang lahat ng ito ay buhay na patunay na nananatiling numero unong koponan ng masa ang Gin Kings.
Walang katotohanan ang sinasabing dahil sa sister-team ay nagbigay ang San Miguel. Talagang tumba ang Beermen sa lakas ng tama ng Gin Kings.
Ang maganda nito ay hindi nagkulang sa papuri si Austria kay Cone na sinabi niyang arkitekto ng pag-akyat ng Ginebra sa rurok ng tagumpay.
Ngunit dahil sa tao lamang ay aminado rin si Austria na kakaibang pakiramdam ang matalo sa finals. Hindi perpekto ang Beermen na naging biktima rin (tulad ng ibang mga bigating koponan sa NBA) sa tinatawag na ‘‘law of averages.’’
At ito ay tanggap ni Leo na sinabing tinamaan din ng ‘‘sobrang tiwala’’ ang Beermen matapos makakolekta ng katakot-takot na kampeonato sa nakalipas na tatlong taon.
Maliwanag din kay Austria, pinagmamalaking anak ng Sariaya sa probinsiya ng Quezon, na naging mahirap na katunggali si Brownlee na napaganda ng samahan sa mga Gin Kings. Ito ay sapagkat lahat ng posisyon ay kayang laruin ni Brownlee na nagreresulta sa mga mismatch.
‘‘Win some, lose some,’’yan ang sabi ni Austria na lalo pang nagpatunay na isa siyang tunay na sportsman.
Naging mapagkumbaba naman si coach Cone nang kanyang diniin — matapos magkampeon ang Gin Kings — na muling babalik bilang
No. 1 ang Beermen.
“Tomorrow, they are the best team again,” ani Cone.
Ngunit matapos makuha ang ika-21 korona sa liga ay may babala si Cone sa mga kalaban.
“If I could do this until 85, I’ll do this until 85. Never go old and I’m ready for more,” wika ni Cone sa beteranong manunulat na si June Navarro ng Inquirer.
Ganito dapat ang sitwasyon matapos ang mga serye na kung saan ang talunan ay pinupuri ang nagwagi, samantalang hindi rin naman nagkukulang sa papuri at kababaang-loob ang kampeon.
Ito naman ang ibig sabihin ng isports. Bakbakan sa loob ng court ngunit matapos ang usok ng laban ay lalabas na tila walang nangyari at magkakaibigan. Ang isports ay tungkol sa pagkakaisa.
Tila ito ang hindi naisapuso ng Gilas Pilipinas matapos ang rambol kontra Australia. Dahil sa mga manlalarong nawala sa tamang pag-iisip ay pumutok ang gulo na ngayon ay pinagbabayaran ng bansang baliw sa basketbol.
Mabuti pa ang Batang Gilas na patuloy na nilalagay sa mundo ng internasyonal basketbol ang Pilipinas hindi dahil sa magaling sa away kundi sa husay maglaro. Patunay ito na paminsan-minsan ang mga bata ang dapat tularan ng mga matatanda.
Kaya ito ang sasabihin ko kay Calvin Abueva. Huwag mong sayangin ang pagkakataon na binigay sa iyo ni Phoenix coach Louie Alas na kilala hindi lang sa kanyang husay sa pagbibigay ng motibasyon kundi sa pagbibigay ng tsansa sa mga problemadong tulad ni Abueva.
Magbago ka na Calvin!
Long live the Kings
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...