Trillanes, magkakapatid na Tulfo nagpalitan ng insulto sa pagdinig ng Senado kaugnay ng P60M DOT-PTV ad deal

NAGPALITAN ng insulto sina Sen. Antonio Trillanes IV at magkakapatid na sina Tulfo sa isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay ng P60 milyong kontrata sa pagitan ng Department of Tourism (DOT) at ng PTV-4.

Dumalo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee sina dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, mga kapatid na sina Ben Tulfo, at Erwin Tulfo.

Sa pagsisimula ng pagdinig, pinaalalahanan ni Trillanes ang mga Tulfo na habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa kasong plunder.

“So wala tayong death penalty so swerte niyo,” sabi ni Trillanes.

Unang tinanong ni Trillanes si Teo, na naunang sinabi na hindi niya alam na inilagay ang P60 milyon sa programa na “Kilos Pronto” ng kanyang kapatid na si Ben.

“’Yan po ang assertion niyo, subukan niyo sa korte na defense; tingnan natin kung mag hold ‘yan,” sabi ni Trillanes.

“Your honor, that’s your assertion,” giit ni Teo.

Nagpatuloy si Trillanes sa pagsasabing nagpapatunay ang kontrobersiyal na ad fiasco sa pagiging “reckless” ni Teo sa paggamit ng pondo ng DOT.

“Your honor, can I answer? I’m not reckless when it comes to disbursement of funds,” sagot naman ni Tulfo-Teo.

“Well wala akong question so hindi kailangan ng sagot,” sagot naman ni Trillanes.

Sumunod na tinanong ni Trillanes si  Ben Tulfo, at tinanong kung magkano ang tinanggap nila sa ad deal.

Sinabi naman ni Tulfo na hindi pa nila alam kung magkano ang tinanggap na kabuuang bayad.

“Off hand, I don’t have a record but we can present it maybe in the court of law,” sagot ni Ben Tulfo.

“Ito na, panay ang iwas na. Pero dun sa radio program kay tatapang e pero ngayon nabibilaukan. ‘Pag katotohanan, ang hirap lumabas no?” sagot naman ni Trillanes.

Samantala, sinabi naman ni Erwin Tulfo na dapat munang patunayan ni Trillanes ang kasong plunder laban sa kanila.

“Kanina ko pa naririnig, inipilit mo na may plunder. Patunayan mo muna na may plunder, bossing,” sagot ni  Erwin.

“It’s not for you to decide, it’s the court to decide, sir,” dagdag ni Erwin.

Read more...