SINASABI na nga ba! Nu’ng mapanood namin ang lahok na pelikula sa Cinemalaya, ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon,” ay naisip na agad namin na hahakot ng parangal ang obrang ito.
Makinis na istorya, magagaling na artista (Menggie Cobarrubias, Dante Rivero, Perla Bautista), mahusay na direksiyon at sinemetograpiya, ano pa nga ba ang hahanapin mo sa pelikulang ito?
At sa gabi ng parangal ng Cinemalaya nga ay namakyaw ng tropeo ng pagkilala ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” na unang lahok ng bagito pa lang na produksiyong Cineko sa pakikipagtulungan ng Cleverminds Productions.
Best Film, NETPAC Jury Award, Best Screenplay (John Carlos Pacala), Best Cinematography (Neil Daza), Best Production Design (Marielle Hizon). Lahat ng parangal ay para sa kategoryang full-length.
At sa aming puso ay matagumpay rin ang kanilang direktor na si Direk Carlo Catu sa pagtatawid ng isang napakagandang istorya at pagganap ng mga artista na walang kaingay-ingay pero sumusuka sa puso.
Mula sa umpisa hanggang sa pagsasarado ng telon ay yayakapin mo ang kanilang mga dayalog, ang emosyong itinatawid nila sa manonood, karapat-dapat lang parangalan ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” ng pamunuan ng Cinemalaya.
Kahapon nang umaga ay tumawag sa amin si Mayor Enrico Roque, isa sa mga prodyuser ng Cineko Productions, nasa ituktok siya ng kaligayahan dahil sa mga parangal na ibinigay sa kanila sa Cinemalaya sa una nilang paglahok sa labanan.
Ang kanyang sabi, “Napakasaya ng buong team, unang pagsali ito ng Cineko sa Cinemalaya pero ganito na katagumpay ang entry namin. Gusto kong pasalamatan ang lahat ng mga kababayan nating nanood ng pelikula at nanalamin kung sino kina Bene, Celso at Tere ang magiging sila sa kanilang pagtanda.”
Maraming salamat at maligayang bati rin kina Omar Sortijas at Kristina Orfiano na nakipaglaban para maisapelikula ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon.”
Hindi nasayang ang kanilang pangangarap, ang kanilang pagod, dahil napremyuhan sila ng higit pa sa kanilang inaasahan.
Mabuhay kayong lahat!