6 patay, 1 nawawala sa baha

ANIM katao na ang naiulat na nasawi at isa pa ang nawawala dahil sa malawakang pagbaha na bunsod ng pag-ulang dala sa kalakhang Luzon ng habagat na pinalakas ng bagyong “Karding,” ayon sa mga otoridad,
Lunes.

Nalunod sina Dioscoro Camacho, 36, ng Marikina City, at Gloria Mendoza, 61, ng Quezon City, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Bukod sa kanila’y may dalawa pang lalaking nalunod sa Quezon City at isa sa Maynila, ayon naman sa ulat ng National Capital Region Police Office.

Natagpuan naman Lunes ng umaga ang mga labi ng 14-anyos na dalagitang kabilang sa limang kabataang tumalon sa ilog at inanod, Olongapo City, ayon sa Office of Civil Defense-Central Luzon.

Nadiskubre ang mga labi ng dalagita malapit sa parola o lighthouse ng Moonbay Marina Waterpark sa Subic Bay Freeport Zone, sabi ni Supt Avelina de Guzman, tagapagsalita ng Olongapo City Police.

Kabilang ang dalagita sa limang kabataang tumalon sa ilog sa Brgy. Sta. Rita, habang ksagsagan ng pag-ulan Linggo ng tanghali. Nasagip nang hapong iyon ang apat niyang kasama, ani De Guzman.

Nawawala pero pinangangambahang nalunod din ang isang Mencio Amitem, 57, matapos umanong maanod nang mahulog sa isang footbridge sa Baguio City, noong Sabado ng gabi, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Cordillera.

Naapektuhan ng pag-ulan, na nagdulot ng baha at ilang landslide, ang mahigit 1.05 milyon katao sa Metro Manila, Ilocos region, Central Luzon, Cordillera, at Calabarzon, ayon sa NDRRMC.

Sa naturang bilang, di bababa sa 54,682 ang nakikisilong ngayon sa mga evacuation center habang 4,426 ang nakikituloy sa mga kaanak o kaibigan.

Sa lalawigan lamang ng Rizal, 35,649 residente ang lumikas at mayroon ding 482 preso na kinailangang ilikas patungo sa isang paaralan sa bayan ng San Mateo, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.

Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, daan-daang pulis na ang naipakalat para tumulong sa search and rescue operations at mahigit 3,000 pa ang nakahanda kung kakailanganin.

Bukod sa deployment, inatasan ni Albayalde ang intelligence units at Criminal Investigation and Detection Group na i-monitor ang ipinapatupad na “price freeze” sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity.

Kabilang sa mga lugar na nagdeklara na ng state of calamity ang lalawigan ng Cavite; mga lungsod ng Marikina, Olongapo, at Balanga; at ilan pang bayan sa Bataan, Pangasinan, Nueva Ecija, at Tarlac, anang PNP chief

Read more...