KAHAPON ay muling binaha ang Metro Manila dahil sa walang tigil na malalakas na pag-ulan, sa kabila naman nito tanging Maynila at Valenzuela lamang ang nagsuspinde ng klase sa umaga.
Alam ng mga mayor na normal na may pasok ng Sabado para sa mga kolehiyo at maging sa mga senior high school.
Walang tigil ang sobrang lakas na pag-ulan, na bukod sa baha ay nagdulot ng trapik sa mga kalsada.
Dahil sa tindi ng mga pag-ulan na naranasan, nagpalabas pa ng warning ang National Disaster Reduction and Management Council (NDRRMC) ng orange rainfall warning alert sa Metro Manila at Rizal ganap na alas-12:20 ng hapon.
Hindi naman isyu na gusto ng mga magulang na matuto ang kanilang mga anak, bukod pa sa kauumpisa pa lamang ng klase para sa maraming kolehiyo na Agosto na ang school opening.
Hindi naman magiging kaaya-aya sa pag-aaral kung basa na ang estudyante bago pa man makapasok sa paaralan.
Sa lakas ng buhos ng ulan, kung walang sariling sasakyan ang mga mag-aaral, tiyak hindi uubra ang payong na kanilang dala-dala.
Kamakailan ay nagpulong na ang Metro Manila Council (MMC) na pinamumunuan mismo ni Quezon City Mayor Herbert Bautista kaugnay isyu hinggil sa kapalpakan sa pagsususpinde ng pasok tuwing umuulan at dahil palpak pa rin ang nangyari kahapon, lumalabas na hindi pa rin naayos ang problema.
Sa tindi rin ng lakas ng ulan, hindi na kailangan ng mga mayor ang anunsiyo ng Pagasa para magdesisyon para sa kanilang nasasakupan.
Sa susunod na taon ay eleksiyon na naman ng ating mga halal na opisyal pero hindi pa rin nasisiyahan ang mga magulang simpleng problema sa tamang pagsususpinde ng klase.
Dapat maging sensitibo ang mga mayor sa isyu ng suspensyon ng klase dahil hindi sila ang napupuyat sa madaling araw sa kaaantay kung may pasok ba o wala.
Base sa guidelines na ipinalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), alas-4:30 ng umaga dapat ay nag-aanunsiyo na ang mga mayor kung may pasok o wala para sa pang-umagang klase at alas-11 ng umaga naman para sa mga panghapong klase.
Kung tutuusin hindi naman sana mahirap gawin kung isasapuso ng mga mayor ang kanilang trabaho.
Sana nga magkaroon ng pagbabago sa susunod na mga araw.