HINDI nga naman pinagbabago ng mga nagdadaang taon ang kagandahan ni Aiko Melendez. Sa kahit anong anggulo ay nagsasalita ang kanyang itsura lalo na ang mga mata niyang tumatawid sa manonood kapag umaarte siya.
Ang hindi na lang talaga pinagtatagumpayan ng aktres ay ang malaking bulto ng kanyang katawan. Big bone kung tawagin ang tulad ni Aiko, parang si Sharon Cuneta rin siya na binibigyan ng malaking problema ang kanyang timbang, kahit anong proseso pa ng pagpapapayat ang kanilang gawin ay babalik at babalik pa rin ang kalakihan ng kanilang bulto.
Sa patapos nang Bagani ay maganda ang role na ibinigay kay Aiko bilang si Matadora, matapang ang kanyang karakter, pero hindi ‘yun masyadong napapansin ng manonood dahil napopokus ang kanilang atensiyon sa kalusugan ni Aiko.
Sa isang kuwentuhan namin ay ikinomento ng kaibigan naming propesor, “Sa totoo lang, isa si Aiko sa pinakamagagandang artista, kaya nga lang, pinabayaan niya ang katawan niya. Pareho sila ni Nadia Montenegro na kapag nakita mo, e, ang beauty agad nila ang mapapansin mo.
“Pero hanggang du’n lang ‘yun, dahil nagmumura ang kasyubaan nila. Nagkakaedad na sila, hindi na nga siguro nila kayang habulin pa ang pagpapapayat,” komento ni prop.