Tiwala(i) sa PNP

HINDI na gagaling ang sugat. Malubha ang pinsala. Wala bang lunas para sa sakit? Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Jer 30:1-2, 12-15, 18-22; Sal 102:16, 21-23; Mt 14:22-36) sa Martes sa ika-18 linggo ng taon.

Walang lunas sa droga? Ang pamamaslang sa dating opisyal ng PNP sa Luzon sa katanghalian at sa harap ng karamihan ay dedma lang sa mga pulis na nakakikilala sa kanya. Idinawit siya sa droga noon, pero di umalma ang kanyang hepe dahil “bastante” naman siya sa dating opisyal. Ikinalulungkot lang ng kanyang mga kaibigan dahil ang pamamaslang ay naganap nang mabuking ang mga tiwaling pulis sa isang mayamang bayan. Isinunod ba siya?

Kung nagaganap na ang paghuli at rubout sa mga pulis at dating pulis sa Luzon, masidhi ang nagaganap sa Police Regional Office 7. Wala nang tiwala ang taumbayan sa pulis bunsod ng sunud-sunod na “strikes” ng RIT. “All-time low” kung ilarawan ang tiwala ng taumbayan sa PNP sa Cebu. Walang kasagutan sa araw-araw na tanong ng media hinggil sa katiwalian sa hanay at paano mapatitino ang “unprofessional police force.” Sa pagbabagong anyo ng gera kontra droga ni Duterte, hindi niya minumura ang mga pulis na nahuhuling sangkot sa droga.

Sa North Caloocan City, rubout kung ilarawan ang sunud-sunod na pagpatay sa mga isinasangkot sa droga. Puwede dahil hindi shooter and tumitira. Malapitan at walang tumitira ng 30-40. Okey lang sa mga residente kung may rubout. Wala ring parokya na nababahala. Wala ring mga naulila na sumisigaw ng “hustisya!” Sa North Ext Office ng PNP, ang nag-uusap ay pulis at punerarya. “Nakarami ka na ba?”

“Pepe” at “dede” ay ginamit sa kampanya sa pederalismo ng boses bakla, na pinalakpakan naman ni Mocha. Susog ni Duterte ang pederalismo kaya marahil ay gusto rin niya ang “pepe” at “dede.” Sa makikisig (macho) na tulad ni Duterte, sino ba naman ang ayaw sa “pepe” at “dede?” Hindi matatawag na malaswa ang “pepe” at “dede” hangga’t di sinasabi ng Malacanang kung ito’y maseselang na bahagi ng katawan nga. Pero, ang nakapagtataka, bakit di raw alam ni Duterte ang “pepe” at “dede,” ayon sa Malacanang. Mahirap ipaliwanag sa pitong lasing ang isyung ito.

Huwag namang tawaging baboy si Drilon. Nasasaktan na siya. Maaaring maraming kapalpakan si Drilon, pero huwag namang tawaging baboy. Tao pa rin si Drilon; hindi baboy. Sa akusasyong nandaya si Drilon sa halalan dahil imposibleng makakuha ito ng 18 milyon boto, huwag namang tawaging baboy. Nakangiti pa nga si Drilon nang tawagin siya ni Sen. Juan Flavier na “Mila’s lechon.” Baboy pa rin, masarap nga lang.

Kahit sandali ay naging bahagi rin ng buhay-peryodista ko si Carmen Guerrero Nakpil sa pamamagitan ng kanyang anak na si Liza Guerrero Nakpil, ang madalas magpatoma sa carinderya ni aling Tess sa Scout Santiago sa kanyang mga kaututan (sa tawa) sa Manila Times; at sina Kerima Polotan at Estrella Alfon (isang taon ako sa FOCUS at 10 taon sa Evening Post). Si Mrs. Nakpil (di ko siya matawag na Chitang) ay biktima ng pagkamuhi kina Ferdinand at Imelda. Matagal na sanang National Artist si Mrs. Nakpil. Ipinagkait, inapi. SLN.

UST (Usaping Senior sa Calumpang, Calumpit, Bulacan): Paano na lang kung biglang inatake ng sakit sa puso ang senior, o nasagasaan, naaksidente habang nagmamaneho, biglang nagsikip ang paghinga, biglang lumabo ang paningin o di na makakita habang nasa kalye? Isusugod ba siya ng gobyerno sa ospital? Sa botong siyam kontra anim, “manigas na lang sa kalye.” Malinaw na walang emergency assistance ang gobyerno sa senior.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Pasong Intsik, San Rafael, Bulacan): Dati’y dignidad ang ibinibigay ng trabaho sa mahirap na ama.
Ang dignidad ay nagpapalakas ng loob sa mahirap, kaya ang may trabaho ay tinitingala. Ngayong patuloy sa pagtaas ng presyo ng bilihin, wala nang dignidad dahil kulang na ang suweldo. Tao na lamang ang natitira sa ama. Baka di magtagal ay wala na rin ang pagkatao niya. Walang pakialam ang pangulo sa kanya.

PANALANGIN: Diyos ko, huwag Mong kunin ang buhay ko sa kalagitnaan nito. Sal 102:25

MULA sa bayan (0916-5401958): Binabarat na sa bayad ang mga kargador. Paubos na ang aming kabuhayan. …6541 Poblacion, Bislig.

Read more...