SA kabila ng napakaraming pagbabago sa mundo, lalo na ang pagamit ng makabagong teknolohiya, nananatili pa rin ang lumang estilo ng illegal recruitment, gaya ng pandaraya ng edad ng mga aplikanteng menor de edad na pawang mga taga Mindanao.
Ito ang isiniwalat ni Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer at Inquirer TV.
Dahil dito, higit na pinaigting ng POEA ang kampanya kontra illegal recruitment. Ayon kay Olalia, nakababahalang nagpapatuloy ang mga modus operandi na ito ng mga recruiter at maging ng mga lisensiyadong ahensiya.
Ayon pa kay Olalia, inaabot nila ang mga lider ng barangay at mga komunidad upang mapangalagaan at maproteksyunan ang kanilang mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay babala at wastong mga impormasyon hinggil sa pag-aabroad.
Kalakip ng mga paalalang ito ay ang mga panganib na maaaring kaharapin ng mga mabibiktima.
Dating gawi na hanggang ngayon ay umiiral pa rin, sabi ni Olalia, ay gagamit ng birth certificate ng iba, kukuha ng passport gamit ang naturang sertipiko, ilalagay ang larawan na pinagmumukhang matanda tulad ng paglalagay ng makapal na make-up at saka ihahanay for deployment bilang isang domestic worker.
Dahil may kasanayan at magaling ang mga opisyal ng Bureau of Immigration upang ma-profile ang mga pasaherong papalabas ng bansa, kung kaya’t nagagawa nilang matukoy ang mga dokumentong hindi nagma-match sa itsura ng pasahero at nagagawa nilang mapigilan at hindi papayagang makasakay ng eroplano.
Saka nila ito ipadadala sa Labor Assistance Center at POEA naman ang hahabol sa ahensiyang nag recruit dito.
Ayon kay Olalia, agad na kanselasyon ng lisensiya ng recruitment agency kapag nasangkot sa ganitong mga ilegal na gawain.
Dagdag ni Olalia, dahil sa nagpapatuloy ang modus na ito, pinag-aaralan na ng POEA na maisama bilang requirement ang “Bone Analysis” para sa mga aplikanteng mag-aabroad.
Sa pamamagitan ng pagsukat sa skeleton ng tao, maaaring magbigay ito ng indikasyon kung ano ang tinatayang edad ng tao.
Gayong palagi namang inaasahan na maaaring tutulan ng OFW sector ang naturang plano ng POEA, ngunit naniniwala si Olalia na ang karagdagang hakbang na ito ay hindi magiging pabigat sa ating mga OFW kundi upang mapangalagaan at magsilbing proteksyon pa nga sa ating mga kabataan na pumapayag namang mabiktima ng kanilang mga ahensiyang pinag-aaplayan.
Para naman sa Bantay OCW, kapag interes na ng OFW ang nakataya, wala nang usapan diyan!
Hihintayin namin ang magiging pinal na desisyon ng POEA hinggil dito.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com.