IN FAIRNESS, maganda pala ang boses ng dating Pinoy Big Brother Teen Clash 2010 housemate na si Devon Seron.
Kaya naman swak na swak ang dalaga sa bagong pelikula ni Jason Paul Laxamana, ang musical-drama na “Bakwit Boys”. Kasama ito sa 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na sa Aug. 15. Dito nabigyan ng chance si Devon na ibandera ang talent niya sa pagkanta at pagpe-perform.
“Na-excite ako nu’ng sinabi sa akin ni Direk Jason. Nu’ng nalaman ko na it’s a musical film, sobrang parang nag-jump talaga ako nu’ng nakita ko yung message niya. Sabi ko, ‘Direk go na ako kahit hindi ko pa nababasa yung script!’
“Nakipag-meet ako agad kay direk and with the producer and excited ako talaga na gawin siya kasi hindi naman talaga ako yung singer-singer pero may passion din naman ako sa music, sa pagtugtog ng gitara so parang feeling ko bumalik yung mga gusto kong gawin sa buhay nung bata pa ako, yung mga forgotten dreams,” mahabang chika ni Devon sa nakaraang presscon ng “Bakwit Boys”.
Kakaiba raw ang atake ni Direk Jason sa pagiging musical ng kanilang pelikula at sigurado raw na mae-entertain ang mga manonood. Blessing din daw para sa kanila ang pagkakapili sa “Bakwit Boys” sa 2018 PPP na pinamumunuan ng Film Development Council of the Philippines under Chairperson Liza Dino.
“Na-inspire ako sa istorya at sa mga kanta. Nakakaiyak, kaya eager ako gawin ang film, kaya sana marami ang makapanood, lalo na doon sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay,” dagdag pa ng dating Kapamilya talent na ngayon ay Kapuso na.
Makakasama ng dalaga sa “Bakwit Boys” sina Hashtag Nikko Natividad, Hashtag Ryle Santiago, TNT Boys member Mackie Empuerto at Vance Larena, under T-Rex Entertainment.
Sa walong taon niya sa mundo ng showbiz matapos mag-join sa PBB noong 2010, marami na raw natutunan si Devon from being the “Bubbly Promdi from Cebu.”
“Nagsimula rin ako sa sobrang liit na tipong dadaan lang ako, hindi ako makikita sa camera. Tapos may mga eksena pa na parang nakukunan ako pero naka-cut out. So dumaan din ako du’n.
“Ilang years na rin, eight years na rin ako sa showbiz. And for me masarap yung experience na yun kasi yun yung bumuo sa akin kung ano ako meron ngayon. And yung growth talaga importante as an artist and as a person,” kuwento pa ng dalaga.
Nagpapasalamat din ang aktres sa kanyang very supportive parents, “Actually yung mom ko stage mother talaga. Ha-hahaha! So, pag may mga ganap ako kahit konti lang gusto niya mapanood. Ganu’n talaga siya. Actually mapasama lang ako sa quality project fine na sa akin.
Okay na ako.
“Ang sa akin lang kung ano yung matututunan ko sa movie, ano yung matututunan ko with my co-actors, gusto ko dalhin talaga. And hopefully I’m praying na madami pang darating sa akin,” aniya pa.