Inalis sa puwesto ang mga hepe ng pulisya sa Asingan, San Manuel, Sison, Sta. Maria, Balungao, at Aguilar nitong Miyerkules, at itinalaga bilang mga checkpoint officer, sabi ni Chief Supt. Romulo Sapitula, direktor ng Ilocos regional police.
Isinagawa ang pag-alis sa puwesto isang linggo matapos ding tanggalin ang mga hepe ng pulisya sa 13 iba pang lungsod at bayan sa rehiyon dahil sa mababang performance sa kanilang buwanang evaluation.
Matatandaang binigyan ni Sapitula ng isang linggong palugit ang mga hepe sa Pangasinan para pagbutihin ang kanilang performance, matapos tamaan ng kalamidad ang lalawigan.
“To make sure that the entire organization is working well starts with the placement of competitive and dynamic leaders that will spearhead the organization,” ani Sapitula.
Sa kabila naman nito, pinuri ni Sapitula ang pulisya sa bayan ng Mangaldan, para sa pagtanggi sa panunuhol ng kaanak ng isang naarestong drug suspect, Huwebes ng madaling-araw.
Sinubukan umano ng isang Janila de Guzman na suhulan ng P5,000 ang mga pulis doon, kapalit ng pagpapalaya sa ina niyang si Laila.
Narekober ang pera, at iniimbestigahan ngayon ang mag-ina para sa posibleng pagsasampa ng kaso.